Standing ovation ang natanggap ni Gian Magdangal at ng cast members mula sa audience na nanood ng sold-out show ng Ang Huling El Bimbo sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila kagabi, August 12.
Umani ng mga papuri ang makabagbag-damdaming pag-arte at pag-awit ni Gian sa mga kanta na pinasikat ng Eraserheads at hindi maitatanggi na siya ang bida ng critically-acclaimed musical show.
Ang karakter na ginampanan ni Gian sa Ang Huling El Bimbo ay successful balikbayan film director na may unresolved conflict sa kanyang mga kaibigan at ex-girlfriend, na buong husay na ginampanan ng former Miss Saigon star na si Tanya Manalang.
Apat na taon na nawala si Gian sa Pilipinas dahil nagtrabaho siya sa Hong Kong Disneyland bilang Captain Shang sa long-running show na The Golden Mickeys.
Nang matapos ang kanyang kontrata, tinanggap niya ang alok ng Universal Studios Japan para maging main singer sa mga special event.
Ang Huling El Bimbo ang hudyat ng pagbabalik ni Gian sa local stage at hindi siya nagkamali sa desisyong gampanan ang karakter ni Hector.
Bukod sa pinupuri ang performance ni Gian, pinaluha niya ang audience sa kanyang haunting rendition ng "Ang Huling El Bimbo."