Nagaganap ngayon, August 14, sa Senado ang imbestigasyon sa anomalya na diumano’y naganap sa Department of Tourism (DOT) noong si Wanda Tulfo-Teo pa ang kalihim.
Dumalo sa pagdinig si Teo at ang kanyang mga kapatid ang broadcast journalists na sina Erwin at Ben Tulfo, na inaakusahang tumanggap ng PHP60 million mula sa DOT para sa ad placement sa television show nila sa government-owned network na PTV4.
Naging makulay ang senate inquiry nang magsimula na magtanong si Senator Antonio Trillanes IV dahil sa mga pahayag nito laban sa Tulfo siblings at sa kanyang mga personal na atake kay Ben, ang host ng Bitag, na nagtangkang sumagot pero nabigo.
Nagsalita si Trillanes na puwedeng sampahan ng plunder case ang Tulfo siblings dahil sa anomalya na kinasasangkutan nila.
"Kung ako sa inyo, mag-iba na kayo ng legal defense kasi alam niyo po, sa buong Pilipinas na nanonood sa inyo, e, hindi paniniwalaan na hindi mo alam na napunta iyan sa kapatid mo,” ang payo ni Trillanes kay Teo.
"Pupunta tayo rito kay Mr. Ben Tulfo, magkano ang total na na-receive mo?
"Ito na, panay ang iwas na, pero dun sa radio program, e, ke tatapang, e.
"Pero ngayon, nabibilaukan, yung katotohanan, ang hirap lumabas ano Mr. Ben Tulfo?
"Anyway, ganito iyan, alam niyo dito as described, swak na swak.
"Kumbaga, pasok na pasok ka, Bitag, dito sa bitag, di ba Mr. Tulfo?” ang sabi ni Trillanes kay Ben Tulfo.
Hindi lamang si Ben ang nakatikim ng salita mula kay Trillanes dahil maaanghang din ang mga sinabi niya kay Erwin.
"Ngayon, pupunta tayo kay Mr. Erwin Tulfo, kanina kasi yung paghuhugas ng kamay, e, maliwanag, parang hindi kasangkot dito.
"Pero kapatid ka ni Secretary Teo at hindi ka ordinaryong empleyado ng Bitag. Magkapatid kayo.
"So, napakinggan ninyo ang definition ko kanina [tungkol sa plunder], so pasok na pasok sa bitag,” ang sabi ni Trillanes kay Erwin.
Sagot naman ni Erwin, "Una ho sa lahat, yung isyu, kanina ko pa naririnig, ipinipilit mo na may plunder.
"Patunayan mo muna na may plunder, Bossing, okey?
"Ngayon, it’s not for you to decide, it’s the court to decide sir, alright."
Nahinto lamang ang sagutan ng dalawa nang sabihin ni Senator Richard Gordon na ganoon talaga ang style ng pagtatanong ni Trillanes.
Pinaalalahanan din niya ang kapwa senador na, "Nothing has been concluded here."