"Life is not fair" ang sentimyento ng multi-awarded director na si Chito Roño dahil ipalalabas lamang sa 47 sinehan ang Signal Rock, ang official entry niya sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino.
Di hamak na kakaunti ang sinehan na ibinigay sa Signal Rock ng cinema operators kung ikukumpara sa mahigit 100 sinehan na pagtatanghalan ng ibang mga kalahok sa film festival ng Film Development Council of the Philippines.
Graded A ng Cinema Evaluation Board ang Signal Rock, kaya umaasa si Chito na ang word of mouth na maganda at pulido ang pelikula niya ang maging dahilan para tangkilikin ito ng moviegoers at madagdagan ang bilang ng mga sinehan ng movie project na siya ang direktor at producer.
Para naman sa FDCP Chair at Pista ng Pelikulang Pilipino organizer na si Liza Diño, naging “biased” ang ibang mga theater owner sa mga pelikulang kasali sa film festival na opisyal na magsisimula bukas.
Reportedly, may mga theater operator na tumangging ipalabas sa mga sinehan na hawak nila ang mga official entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino.