Dahil sa kakulangan ng oras, hindi natapos kahapon, August 14, ang Senate inquiry tungkol sa alleged PHP60-million ad placement anomaly na kinasasangkutan ni former Department of Tourism Secretary Wanda Teo at ng kanyang mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.
Bago inihinto ni Blue Ribbon Committee Chairperson Senator Dick Gordon ang Senate inquiry, nagbitaw siya ng salita na ipagpapatuloy niya ang imbestigasyon sa mga isyung kinasasangkutan ng DOT, tulad ng Buhay Carinderia controversy at ng questionable purchases ng opisina ni Teo sa Duty Free Philippines.
Si Teo ang guest ni Karen Davila sa Headstart ng ANC ngayong umaga, August 15.
Ang Duty Free purchases ng DOT gaya ng branded bags, toiletries, at expensive cosmetics ang isa sa mga tinalakay nila.
Mariing itinanggi ni Teo na may kinalaman siya sa worth PHP2.52 million products na diumano’y binili ng tanggapan niya sa Duty Free Philippines dahil aniya, "I can afford."
Sinabi ni Teo na nasaktan at nainsulto siya sa walang katotohanang akusasyon laban sa kanya.
"Hindi ako puwedeng magturo. Karen, I can afford. Hindi ko type ang Coach bag, puwede ba?
"Kaya ang sakit sa akin. They've been saying even the Rolex watch.
"I’ve been using Rolex watch from the start, and there’s no Rolex watch at Duty Free.
"My God, I can afford!
"I go out of the country. I’ve been traveling a lot even when I wasn’t the Secretary of Tourism…
"Hindi ko type ang type sa Duty Free," ang depensa ni Teo sa sarili.
Binatikos si Teo ng mga nanood ng live telecast ng Senate inquiry kahapon dahil sa kanyang pahayag na hindi niya alam na si Ben ang host ng Kilos Pronto.
Ipinaliwanag ni Teo na wala itong panahong manood ng TV dahil sa busy schedule niya.
Si Ben ang host ng Kilos Pronto, ang public service program ng Bitag Media Unlimited Inc. na tumanggap ng PHP60 million ad placement mula sa DOT.
Ang Bitag Media Unlimited Inc. ang producer ng Kilos Pronto, na napanood sa PTV-4 mula noong January 2017 hanggang April 2018.
Nanindigan si Ben sa Senate inquiry na hindi siya humingi ng pabor mula sa kanyang kapatid noong DOT secretary pa ito at hindi rin niya alam ang kinaroroonan ng opisina ng naturang government agency.
“Sa akin po, wala akong ugnayan sa kapatid ko na si Wanda Teo.
"Hindi po ako kumatok sa kanilang pintuan, humingi ng pabor, humingi ng advertisement o commercial.
"Hindi po ako pumunta sa kanilang tanggapan, hindi ko alam kung saan po ang DOT.
"Ang pagkakaalam ko, ang DOT sa Luneta," sabi ni Ben sa mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee.