Malakas na palakpakan ang umalingawngaw sa loob ng sinehan nang matapos ang screening ng Signal Rock na ginanap sa Cinema 5 ng TriNoma Cinema kagabi, August 15.
Nagustuhan ng audience ang pelikula ng direktor na si Chito Roño.
Nagkakaisa ang lahat sa kanilang opinyon na ang Signal Rock ang isa sa mga pinakamagandang pelikula na ginawa ni Roño at hindi ito nagkamali sa pagpili kay Christian Bables bilang bida ng pelikula.
Magaan sa dibdib ang kuwento ng Signal Rock dahil ipinakita sa mga eksena nito ang kabutihan at pagiging matulungin ng mga Pilipino sa mga nangangailangan.
Kinunan ang mga eksena ng pelikula sa Biri, Samar na itinuturing ni Roño na pangalawang tahanan, kaya pumasok sa aming isip na tribute niya ang Signal Rock sa mababait na mamamayan ng nasabing bayan.
Hindi lamang si Christian ang nagpakita ng husay sa pag-arte sa Signal Rock dahil effortless at minahal ng audience ang mga pagganap nina Daria Ramirez, Keanna Reeves, Joel Saracho, at ng karamihan sa supporting cast.
May sex scene sina Christian at Elora Espano, at isa ito sa mga dahilan kaya R13 ang classification ng MTRCB sa pelikula.
Kung aalisin ang butt exposure ni Christian at ang quite lengthy pumping scene nila ni Elora, puwedeng mabigyan ng PG rating ng MTRCB ang pelikula para mapanood ito ng mga bata.
Nakumpirma ng Cabinet Files sa Signal Rock na panahon ngayon ng pamamayagpag ng mga indie actor dahil sila-sila rin ang mga napapanood sa ibang mga pelikula, tulad ng BuyBust, Pinay Beauty, Bakwit Boys, etc.
Limitado ang mga sinehan na pinagtatanghalan ng Signal Rock.
Hopefully, ang word of mouth na maganda ang pelikula ni Rono ang magiging instrumento para suportahan at panoorin ng publiko ang launching movie ni Christian.