Matagal nang isyu kung sino sa half-siblings na sina former Senator Jinggoy Estrada at Senator JV Ejercito ang babasbasan ng kanilang ama, si Manila City Mayor Joseph Estrada, na kakandidatong senador sa eleksyon sa May 2019 dahil, diumano, isa lamang sa kanila ang puwedeng tumakbo.
IMAGE Facebook / Jojo Gabinete
Senator JV Ejercito and former Senator Jinggoy Estrada
Nang humarap si Jinggoy sa entertainment press ngayong Miyerkules, August 29, tiniyak niyang tuloy na tuloy ang kanyang pagkandidato sa susunod na taon para sa nabanggit na posisyon.
May sagot siya sa pahayag ni JV na isa lang sa kanila ang dapat tumakbo.
"Palagay ko, baka ako ang tinutukoy niya kaya nagpapasalamat ako sa kanya," confident at nakangiting sabi ni Jinggoy.
Patuloy niya, "As far as I know, si Mayor Erap pumapayag naman na dalawa kaming tumakbo. There’s no problem with it.
"Si Senator JV has repeatedly said he wants one of us to run.
"In fact, when I was released from jail, I remember him giving away press release that if I decide to run, he will make the supreme sacrifice of not running."
Hindi pa masabi ni Jinggoy kung paano malulutas ang isyu sa pagitan nila ni JV.
Maliban sa kanyang kaibigan na si ex-Senator Bong Revilla Jr., "Wala!" ang mabilis na sagot ni Jinggoy nang tanungin tungkol sa nami-miss niya sa PNP Custodial Center ng Camp Crame na naging "tahanan" niya ng mahigit sa tatlong taon.
Mula nang lumaya siya, regular pa rin ang pagdalaw ni Jinggoy kay Bong para bigyan ng moral support at palakasin ang loob ng kaibigan na mag-isa na lamang nakakulong sa PNP Custodial Center.
Postscript: Kasama ni Jinggoy na humarap sa entertainment press ang kanyang panganay na anak na si Janella Ejercito, ang incumbent vice mayor ng San Juan City.
Kapwa nagpapasalamat ang mag-ama kay San Juan Mayor Guia Gomez dahil sa endorsement nito sa mayoral candidacy ni Janella sa 2019.
Si Guia ang ina ni JV.
Ayon kay Jinggoy, malaking bagay ang endorsement ni Mayor Guia sa kandidatura ng kanyang anak.
Sinabi naman ni Janella na alam nitong talagang supportive sa kanya si Mayor Guia mula nang mahalal siya na konsehal at eventually, bise-alkalde ng San Juan.
"Nakikita naman po niya kung ano ang mga nagagawa ko para sa aming mga kababayan kaya nagpapasalamat ako sa kanyang pag-endorse sa akin," pahayag ni Janella, na sinusundan ang career path ng tatay niya sa pulitika.