Apparently, overwhelmed pa rin ang mga producer ng Heneral Luna sa box-office success ng pelikulang pinagbidahan ni John Arcilla noong 2015, kaya isang grand red-carpet premiere ang inihanda nila para sa Goyo: Ang Batang Heneral na tinatampukan ni Paulo Avelino.
Paulo Avelino in Goyo
Ngayong hapon, August 30, ang gala premiere ng Goyo at magaganap ito sa tatlong naglalakihang sinehan ng SM Megamall—ang Cinema 7, 8 at 9.
Dadalo ang lahat ng cast members sa grand premiere ng Goyo, pero modern Filipiniana at hindi ang kanilang mga costume sa pelikula ang suot nila.
Imbitado sa event ang local government units sa lugar na binaril si Goyo at ang cast at crew ang paliwanag ni Chuck Smith kaya tatlong sinehan ang pagtatanghalan ng pelikula.
Si Smith ang publicist ng TBA Studios, ang producer ng Goyo.
Ipalalabas pa lamang ang pelikula sa mga sinehan sa September 5, pero may mga kumukuwestiyon na agad kung maituturing ba talagang bayani si Del Pilar.
Si Jerrold Tarog ang direktor ng Goyo at sa grand presscon ng pelikula, sinabi niyang nagsaliksik siya nang mabuti tungkol sa life story ni Del Pilar sa pamamagitan ng pagbabasa ng maraming libro.
Inaasahan naming masasagot ng bagong movie project ni Tarog ang tanong ng mga skeptic, pati na ang impormasyong mababasa sa www.filipiknow.net na si Manuel Tinio at hindi si Goyo ang pinakabatang heneral sa grupo ni Emilio Aguinaldo.
Ayon sa www.filipiknow.net, naging heneral si Del Pilar sa edad na 22, at 20 years old naman si Tinio nang mabigyan ng kaparehas na ranggo.
Trivia: Ipinalabas sa mga sinehan ang Heneral Luna noong September 9, 2015 at sa September 5, 2018 ang playdate ng Goyo: Ang Batang Heneral.
Sana nga, may hatid na suwerte sa mga producer ng TBA Studios ang buwan ng Setyembre at matulad sa kapalaran ng Heneral Luna sa box office ang pelikula ni Paulo.