Ronnie Liang, nasangkot sa vehicular accident sa SCTEX

Nagpapasalamat sa Diyos ang singer-actor na si Ronnie Liang dahil nakaligtas sila ng kanyang kapatid na si Rodolfo sa aksidenteng nangyari sa Subic-Clark-Tarlac Expressway noong madaling-araw nang Sabado, September 29.

IMAGE Noel Orsal

Pabalik na ang magkapatid sa Metro Manila nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng SCTEX sa Concepcion, Tarlac.

Si Rodolfo ang nagmamaneho ng sasakyan at nasa unahan nito ang 16-wheeler truck na biglang sumabog at natanggal ang dalawang gulong sa likuran.

"Nang mag-overtake kami sa 16-wheeler truck, sakto ang pagsabog at pagkatanggal ng dalawang gulong na bumangga sa sasakyan namin.

"Nasagasaan namin ang mga gulong na naging dahilan ng paglipad ng sasakyan namin na tumatakbo ng 110 kmph.

"Mabuti na lang, hindi bumaligtad ang sasakyan at walang nasaktan sa amin," kuwento ni Ronnie sa Cabinet Files.

May trauma na si Ronnie dahil milagrong nakaligtas siya sa isang car accident sa Palawan noong 2010.

Patuloy niyang kuwento, "Actually, nagplano ako na tumakbo away from the car dahil baka sumabog ito. Inisip ko na baka tinamaan ang gas/oil tank at biglang mag-apoy.

"Tinawagan ko agad ang hotline ng SCTEX at nag-respond naman sila.

"Dumating agad ang patrol at sinabi ng may-ari ng truck na sasagutin niya ang lahat ng gastos sa sira ng sasakyan ko.

"Nasira yung bumper, joints, at rim, disaligned ang mga gulong sa harap at hindi na safe na gamitin."

Apela pa ng singer sa mga motorista, "Sana, ma-remind ang lahat ng mga truck driver and operators na kapag pudpod na ang mga gulong ng sasakyan nila, palitan na at i-double check kung mahigpit ang pagkakakabit para maiwasan na ang mga ganoong klase ng aksidente."

Si Ronnie ang special guest ni Sarah Geronimo sa This Is Me concert sa Nagoya, Japan sa October 7 kaya doble ang pasasalamat niya sa Panginoon dahil mas malaki ang kanyang magiging problema kung nasaktan siya sa naganap na vehicular accident.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN