Para Sa Broken Hearted premiere, sinuportahan ng JaDine

Sinuportahan nina Bela Padilla, James Reid, at Nadine Lustre ang red-carpet premiere ng Para sa Broken Hearted na ginanap sa Cinema 7 ng SM Megamall kagabi, October 1.

IMAGE Noel Orsal

Ang presence nina James at Nadine ang moral support nila para sa kanilang mga kaibigan na sina Shy Carlos, Yassi Pressman, at Sam Concepcion.

Matagal nang magkaibigan sina Nadine at Shy dahil magkasama ang dalawa sa Pop Girls, ang all-girl singing group na binuo ng Viva Records noong 2009.

Matalik ding magkaibigan sina James, Nadine, at Sam.

Nang lumipat si Sam sa Viva Artists Agency noong September 2017, inamin niyang malaking impluwensya sina James, Nadine, at ang-ex girlfriend na si Kiana Valenciano sa kanyang desisyon.

Sam Concepcion, Shy Carlos, Yassi Pressman, Marco Gumabao
IMAGE Noel Orsal

Ang Para sa Broken Hearted ang full-length directorial debut ni Digo Ricio na nag-umpisa bilang production designer ng mga pelikula at television series.

Bago nagsimula ang screening ng pelikula, nagsalita si Digo na mabilis ang tibok ng puso niya dahil sa kaba na nararamdaman.

Hopefully, nabawasan ang nerbyos ni Digo nang marinig niya ang malakas na palakpakan ng audience sa mga eksena ng pelikula, isang pahiwatig na nagustuhan ng manonood ang kanyang unang directorial job.

Mga millennial ang karamihan sa aming mga katabi habang pinapanood ang Para sa Broken Hearted kaya rinig na rinig namin ang kanilang mga buntong-hininga sa mga eksenang gustong-gusto nila.

Hindi maitatangging bidang-bida si Shy sa pelikula at hindi siya nagkamali sa pasya niyang huminto muna sa pag-aaral para mag-concentrate sa kanyang acting career.

Isa si Shy sa mga young actress na mapagkakatiwalaan sa acting department at madalas na ikinukumpara sa multi-awarded actress na si Jaclyn Jose dahil may lalim ang pag-arte niya.

Si Marco Gumabao ang love interest ni Shy sa pelikula at ibang Marco ang mapapanood dahil rebelasyon siya sa mga confrontation scene nila.

Kasama si Louise delos Reyes sa cast ng Para sa Broken Hearted at ito ang unang project niya bilang contract star ng Viva Artists Agency.

Kahit si Shy ang nagmistulang bida ng pelikula, nagampanan ni Louise ang role na ibinigay sa kanya ng Viva Films.

Ang Para sa Broken Hearted ang movie version ng best-selling book ng young author na si Marcelo Santos III, na binigyan ni Digo ng cameo role sa pelikula na mapapanood sa mga sinehan, simula bukas, October 3.

Dahil bata pa si Marcelo, kuhang-kuha niya ang mga sentimyento ng mga kabataan tungkol sa pag-ibig at pakikipagrelasyon kaya relate na relate ang young audience sa kuwento ng Para sa Broken Hearted.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN