Ervic Vijandre, tatakbo bilang konsehal ng San Juan sa 2019 elections

Dalawang importanteng okasyon ang magaganap sa buhay ni Ervic Vijandre sa October 17—ang 60th birthday ng kanyang ina at ang filing of candidacy niya bilang konsehal ng PDP-Laban sa unang distrito ng San Juan City.

Ayon kay Ervic, ang pangarap na makatulong sa kapwa at sa mga nangangailangan ang nag-udyok sa kanyang pasukin ang mundo ng public service.

IMAGE Jojo Gabinete

Kahapon, October 4, pormal na ipinaalam ni Ervic sa kanyang talent management, ang GMA Artist Center (GMAAC), ang plano niyang kumandidato sa May 2019 elections.

"Kung makakatulong ako, why not?

"Kaya ko naman, even before, nakita ko na yung mga iniikutan namin kung ano yung mga kailangan ng mga tao sa San Juan."

Unang sinubukan ni Ervic na tumakbo bilang konsehal sa hometown niya sa Taguig City noong 2013 elections, ngunit hindi siya pinalad manalo noon.

Patuloy ni Ervic, "Ang masasabi ko, mas mature at mas ready ako ngayon kesa dati.

"Nagpaalam na ako sa GMAAC. In-explain ko yung mga gagawin ko.

"Good intentions naman. Kapag sinabi ko na gustong tumulong, as simple as that, papayagan ka."

LESSONS FROM SHOWBIZ

Kung sakaling palarin siyang mahalal na konsehal sa District 1 ng San Juan, nilinaw ni Ervic na wala siyang planong talikuran ang showbiz.

Lalo pa't malaking bahagi raw ang kanyang showbiz career sa paghubog sa kanyang pagkatao.

Sabi ng Kapuso actor, "Sobrang blessed ako, sobrang suwerte na nakapasok ako sa showbiz kasi mahiyain ako.

"Hindi ko inakala na mapapasok ako sa ganito, na aarte ako.

"Pero may talent din ako—mabilis akong mag-memorize saka yung disiplina ko sa sports dala-dala ko sa showbiz.

"Yung pagiging competitive ko, pakikisama sa tao, yun ang showbiz para sa akin."

Nagtagal daw si Ervic sa showbiz dahil sa ganda ng samahan sa mga nakakatrabaho niya.

"Alam ko naman na hindi ako ganoon kagaling umarte. Nasa disiplina iyan, marunong kang gumalang, rumespeto…

"Sobrang nag-e-enjoy ako ngayon. Kapag nanood ako ng sine, ang tinitingnan ko na yung acting ng mga artista.

"Noong una, ang daming hindi ko alam. So, natutuwa ako na simpleng makikipag-usap ka sa veteran actors, marami na akong natutunan.”

FUNDRAISING EVENT

Sa October 21, pangungunahan ni Ervic ang 100 Years of Inspiring People, ang fundraising cycling event ng Rotary International District 3780 na magsisimula sa The Villages, Clark at matatapos sa ArcoVia, Pasig City.

Hinihikayat ni Ervic ang lahat na lumahok sa 100 Years of Inspiring People dahil ang mga bata na polio victim at may rare diseases ang mga beneficiary.

Sa mga interesadong sumali, handa na sumabak sa cycling event na may distansya na 100 kilometro at maging bayani para sa mga bata na may pambihirang karamdaman, maaaring makipag-ugnayan sa mga organizer, sina Efren Alvarez (Rotary Club of North Balintawak, cellphone number 0917-7272122 ) at Milds Fragante ( Rotary Club of Metro Aurora, cellphone number 0928-7923369).

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN