Ang Call Her Ganda, ang documentary movie tungkol sa buhay ng pinaslang na transgender woman na si Jennifer Laude, ang isa sa mga kontrobersiyal na pelikula na mapapanood sa Quezon City International Pink Festival (QCIPFF) 2018 na mag-uumpisa sa November 14 at magtatapos sa November 25.

Pinag-usapan sa buong mundo ang kaso ni Laude na pinatay ni U.S. Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton noong October 11, 2014 sa isang motel sa Olongapo City.
Nagdilim umano ang paningin ni Pemberton nang matuklasan nito na hindi tunay na babae si Laude.
Sinakal at nilunod si Laude kaya asphyxiation by drowning ang resulta ng autopsy sa bangkay niya.
Unang ipinalabas ang Call Her Ganda sa 2018 Tribeca Film Festival noong April 2018, at umani ito ng positive reviews mula sa foreign film critics.
Mapapanood din sa QCIPFF 2018 ang Dead na si Lolo, ang pelikula ng pumanaw na direktor na si Soxie Topacio na dating pangulo ng Quezon City Pride Council.
Si Nick de Ocampo ang festival director ng QCIPFF at, ayon sa kanya, nagkakaedad na siya kaya panahon na para ipasa ang korona at ang pagpapalakad ng Pink Festival sa saling-lahi.

"Hindi na po ito ang henerasyon namin nina Joel Lamangan, Soxie Topacio. Hindi na ito laban namin. Naalaala ko noong una, isa ako sa unang henerasyon.
"Instead na tinatawag namin ang mga sarili na pink, ang tawag sa amin noong una ay Gays in Black.
"Laban pa ito noong una sa diktadura, militarisasyon, at patriarkiya noong panahon ni Marcos.
"Naglakad kami papunta sa Kongreso mula sa Quezon City Circle para ipaglaban ang aming mga karapatan.
"Ang unang nag-imbita sa akin na gumawa ng Pink Film Festival sa Quezon City, ito po ay ang head ng Pride Council noong una na si Soxie Topacio.
"Gusto ko lang alalahanin ngayon si Soxie, ang aming unang presidente sa Pride Council. Kung hindi dahil sa kanya at sa pag-iimbita niya, hindi matutuloy ang Pink Film Festival kaya dedicated namin ito sa kanya,” pagbabalik-tanaw at pagbibigay pugay ni De Ocampo kay Topacio na binawian ng buhay noong July 21, 2017.