Bumiyahe si Harlene Bautista sa U.S. noong October 16 dahil ipinalabas sa 8th Manhattan International Film Festival sa New York ang kanyang short film na Kiss na pinagbibidahan ni Kiko Matos.
Si Harlene ang direktor ng Kiss, pitong araw siyang mamamalagi sa New York.
Bago siya umalis ng Pilipinas, nagkaroon ang Cabinet Files ng pagkakataong makausap ang actress-movie producer tungkol sa well-publicized separation nila ng kanyang asawa na si Romick Sarmenta.

Tumagal ng 19 taon ang pagsasama nina Harlene at Romnick kaya marami ang nalungkot sa kanilang mutual decision na maghiwalay.
Ayon kay Harlene, "Taon din ang iniyakan ko.
"Umiyak ako, may mga pagkakataon na iiyak ako dahil para sa mga anak ko.
"Sino ba naman ang may gusto ng ganoong pamilya?
"Naiiyak ako na siyempre, matagal din, 19 years, pero sabi nga niya, hindi naman puwedeng 19 years na iiyak ka na lang."
Ngayong hiwalay na sila, ang paghahati sa kanilang mga naipundar na ari-arian ang inaasikaso nina Harlene at Romnick.
"Inaayos na namin ang separation of properties. Hindi madali, nakakapagod…
"Tapos ka nang umiyak dahil naghiwalay na kayo 'tapos may dadaanan ka na naman.
"Made-drain ka ng ibang proseso na naman… nakakapagod kaya lang kailangang pagdaanan."
Nang itanong ng Cabinet Files ang pinakamagandang nagawa ni Romnick sa buhay niya, "marami" ang walang second thought na sagot ni Harlene.
"Marami…marami… Hindi siya masamang tao.
"Napakarami, napakabait, napakamapagmahal na asawa, na tatay…
"Mabait siyang tao. Marami kaming magagandang pinagsamahan.
"It’s just that hindi na nga kami… mas okey na kami na ganito.
"Happy ako and I’m happy for him ‘coz I can see that he’s happy," pahayag ni Harlene.
Dalawang beses na inulit ni Harlene na walang sangkot na third party sa paghihiwalay nila ni Romnick.