Forte ng direktor na si Yam Laranas ang horror at suspense thriller movies tulad ng Patient X, The Road, Sigaw at ang Hollywood version nito na The Echo.

Pero sa tunay na buhay, hindi pa raw siya nagkakaroon ng mga nakakatakot na karanasan na may kinalaman sa mga multo, at hindi rin niya pinaniniwalaan na bumabalik ang kaluluwa ng mga namatay.
“Hindi po ako naniniwala pero gusto ko makakita, kasi ang dami ko nang nasulat at nagawa na supernatural films.
“Some were inspired by murder, weird events, pero when you’re dead, you’re dead.
“Nobody knows where you are going.
“Pero kung may ghost o nakakatakot, gusto kong makakita pero wala pang nagpapakita sa akin.
“Nahihiya yata.
“Gusto kong mainterbyu, gusto kong magsulat ng next movie.
“Ano bang nangyayari diyan sa world niyo?” ang sabi ni Yam sa recent presscon ng All Souls Night.
Ang ImaginePerSecond production company ni Yam ang co-producer ng Viva Films sa All Souls Night at siya rin ang creative head ng horror movie na pinagbibidahan ni Andi Eigenmann.
Mapapanood ito sa mga sinehan simula October 31, 2018.
Si Yam naman ang direktor ng Aurora, ang suspense-thriller movie na official entry sa 2018 Metro Manila Film Festival at co-production venture pa rin ng ImaginePerSecond at Viva Films.
Sa mga hindi nakakaalam, si Yam ang first-ever Filipino director na nakatanggap ng grant mula sa National Geographic Channel para mag-produce noong 2009 ng Asia’s Titanic, ang documentary tungkol sa MV Doña Paz, ang barko na lumubog noong December 20, 1987 at kumitil ng 4,386 na buhay.
May mga nagsasabing hindi nalalayo sa nangyari sa MV Doña Paz ang plot ng Aurora, ang pangalan ng barko sa filmfest entry ni Yam.
Si Anne Curtis ang lead actress ng Aurora na tungkol sa isang barkong lumubog ang kuwento.