Malaking hamon para sa direktor, mga artista, at production staff ng Asawa Ko, Karibal Ko na inilagay ito sa timeslot na okupado ng Ika-5 Utos na dating napapanood pagkatapos ng Eat Bulaga.
Ang Asawa Ko, Karibal Ko ang bagong drama series ng GMA-7 na mapapanood simula ngayong hapon, October 22.
Management’s decision na pagpalitin ang mga timeslot ng Ika-5 Utos at ng teleserye na pinagbibidahan nina Kris Bernal, Jason Abalos, Thea Tolentino, at Rayver Cruz.

Maselan at kontrobersiyal ang tema ng Asawa Ko, Karibal Ko dahil tungkol ito sa isang transgender woman na sumailalim sa sex re-assignment surgery at naging karibal ng kanyang ex-wife sa boyfriend nito.
Si Mark Sicat dela Cruz ang direktor ng Asawa Ko, Karibal Ko at malapit sa puso niya ang television project dahil ito ang kanyang tribute sa LGBTQ+ community.
"Tulad ng sinabi ko, kabilang ako sa LGBT and since college ako, lahat ng mga project ko sa film is about being gay.
"Puwede kong sabihin na advocate ako para magkaroon ng boses ang mga katulad ko.
"I’m very very happy na sa akin ibinigay ang Asawa Ko, Karibal Ko.
"Sa dami ng mga direktor sa GMA, ako ang napagkatiwalaan kaya buong puso kong ibinigay ang kaalaman ko," pahayag ni Mark.
Sa kuwento ng Asawa Ko, Karibal Ko, sumailalim sa sex re-assignment surgery ang karakter ni Jason para matupad ang pangarap nito na maging babae ang kanyang physical appearance.
Medyo nabigla at hindi agad nakasagot si Mark sa tanong na sa palagay ba niya, ikatutuwa ng Panginoong Diyos na pinapalitan ng mga tao sa pamamagitan ng sex re-assignment procedure ang kasarian at anyo na ibinigay Niya tulad ng kuwento ng bagong programa ng Kapuso Network?
Napabuntung-hininga si Mark nang malalim bago siya sumagot.
Pahayag niya, "Puwede ko bang hindi sagutin yung may kinalaman sa religion?
"Ang paniniwala ko kasi, hindi tumitingin si Lord sa kung ano ang hitsura natin.
"Naniniwala ako na bilang Katoliko, hindi ako saradong Katoliko na every Sunday nagsisimba, pero every day, nagba-Baclaran ako, pero naniniwala ako na tatanggapin tayo ni Lord kung anuman kang klase ng tao.
"I guess, kung magpapalit ka, tanggap at mapapatawad ka ni Lord kung sakaling humarap ka sa Kanya."