Maricel Soriano, balik-Regal baby; pumirma ng two-movie contract

Narinig namin sa victory party ng My 2 Mommies noong May 15, 2018 ang pangako ni Mother Lily Monteverde at ng anak nitong si Roselle na masusundan pa ang mga movie project ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa Regal Entertainment, Inc.

Isa si Maricel sa mga original Regal baby ng Regal Films noong dekada ’80 at tunay na kapamilya ang trato sa kanya nina Mother Lily at Roselle.

Tinupad ng mag-ina ang pangako nila kay Maricel, na reyna noon ng Regal Films, dahil kahapon, October 25, pumirma siya ng kontrata sa dating home studio niya na nag-produce ng marami sa kanyang mga blockbuster film.

IMAGE Courtesy of Regal Entertainment, Inc.

Dalawang pelikula ang gagawin ni Maricel.

Isa rito ang family comedy movie na mapapanood sa 2019 at mula sa direksiyon ni Eric Quizon.

Si Eric ang may idea na magkaroon si Maricel ng special participation sa My 2 Mommies, ang box-office hit comedy movie ng Regal na tinampukan nina Paolo Ballesteros at Solenn Heussaff.

Inihahanda na rin ng Regal ang isang extraordinary horror movie na pagbibidahan ni Maricel, na project naman ng direktor na si Ian Lorenos.

Ang movie queen na si Susan Roces ang isa sa mga makakasama ni Maricel sa mga pelikula nito sa Regal.

Ang Inday, Inday sa Balitaw (1986) at Bunsong Kerubin (1987) ang dalawa sa mga pelikulang pinagsamahan noon nina Maricel at Susan.

Ang manager ni Maricel na si Veana Fores ang kanyang kasama sa contract signing nila nina Eric, Mother Lily, at Roselle.

 


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN