Sa local entertainment industry, “leveling” ang colloquial term sa mga showbiz personality na ikinukumpara sa mga artista na higit na sikat gaya ng kaso nina Regine Velasquez at Kiray Celis.
Sa mga biruan, si Kiray ang counterpart ni Regine dahil sa balita na makalipas ang halos dalawang dekada, aalis na siya sa ABS-CBN para lumipat sa GMA-7—ang network sa loob ng dalawampung taon ng Asia’s Songbird bago ito nagdesisyon na tanggapin ang alok ng Kapamilya Network.
Kagabi, may “ leveling” na nangyari sa pagitan ng dalawang “Mar”—si Marlo Mortel at ang American diva na si Mariah Carey.

Magkasabay na magkasabay ang show ng dalawa, ang Music Museum ang venue ng first major concert ni Marlo at nagtanghal naman si Mariah ng kanyang third concert sa Pilipinas sa Smart Araneta Coliseum.
Kung pahapyaw na nag-rap si Mariah sa isang song number niya, ipinakita naman ni Marlo ang talent sa rap na ginawa nito sa kauna-unahan na pagkakataon.
Kung sinabayan ng isang American rapper ang pagkanta ni Mariah, malakas na palakpakan ang tinanggap ni Marlo at ng rapper na si John Roa sa duet number nila.
Kung bumirit si Mariah, bumirit din si Marlo sa pagkanta na may kasama na pagluhod sa stage.
Ginulat ni Marlo ang Music Museum audience dahil sa singing talent na ipinamalas niya. Ni minsan, hindi nagbago ang timbre ng buung-buong boses ni Marlo, kahit namamaga ang kanyang lalamunan dahil kagagaling lamang niya sa sakit.
Sa mga online discussion, overrated singer ang intriga kay Mariah samantalang underrated singer si Marlo sa sariling bansa, kahit nag-uumapaw ang singing talent niya.
Ang mga kagaya ni Marlo ang dapat na binibigyan ng break sa local movie industry dahil sa husay na ipinakita niya sa kanyang concert.
Mas nakilala si Marlo na aktor at segment host ng Umagang Kay Ganda pero ang hilig sa pagkanta ang tunay na dahilan ng pagpasok niya sa showbiz.
Ang ImMORTELized ang tribute ni Marlo sa kanyang ina na si Merlie Pamintuan na pumanaw noong August 2018 dahil sa stage 4 breast cancer pero hindi siya nag-moment o nag-drama sa concert niya tulad ng nakasanayan ng ibang seasoned but overly dramatic local singer-actors na hobby na ang manghingi ng simpatiya mula sa fans and supporters nila.