Kabilang ang cartoonist na si Larry Alcala sa mga tumanggap ng posthumous conferment bilang National Artist for Visual Arts noong October 24, 2018.
Ito ay dahil sa kanyang mga kontribusyon sa sining noong nabubuhay pa siya.

Binawian ng buhay si Mang Larry sa edad na 75 noong June 24, 2002 kaya marami na ang hindi nakakaalala sa kanya, lalo na ang young generation.
Si Mang Larry ang creator ng mga comic strip na Mang Ambo (1960) at Kalabog En Bosyo (1947).
Ang popularidad ng Kalabog En Bosyo ang nagbigay ng idea sa mga producer ng Sampaguita Pictures para isalin sa pelikula ang comic strip ni Mang Larry na pinagbidahan nina Dolphy at Panchito noong 1957.
Muling nagbida sina Dolphy at Panchito sa Kalabog En Bosyo Strike Again noong 1986.
Noong 1994, ang Viva Films ang producer ng Kalabog En Bosyo na tinampukan nina Janno Gibbs at Dennis Padilla.
Naabutan namin ang kasikatan ni Mang Larry noong dekada ’80 at isa kami sa fan ng "Slice of Life," na lumalabas noon sa Weekend Magazine.
Naging libangan ng readers ang paghahanap sa nakatagong imahe ng kinikilalang Dean of Cartoonists sa Pilipinas sa "Slice of Life."
Dalawang beses kaming nagkaroon ng personal encounter kay Mang Larry: noong December 1986
(Fairmart Department Store, Cubao) at December 1987 (Plaza Fair, Cubao).
Dahil sikat na sikat noon ang "Slice of Life," hiniling namin kay Mang Larry na igawa niya kami ng cartoon sketch, at hindi kami nagdalawang-salita sa kanya.
Isang malaking karangalan na maiguhit ng isang Larry Alcala kaya ipina-frame namin agad ang kanyang cartoon sketch.

Nang mga panahong iyon, walang-wala sa aming isip na darating ang araw na magiging National Artist siya.
Postscript: Noong 2009, nakilala namin ang senior citizen na si Antonio DeZuniga (na tinawag namin sa kanyang palayaw na Mang Tony) sa isang hotel na tinuluyan namin sa Anaheim, California.
Natuwa kami kay Mang Tony dahil kahit noon pa lamang kami nagkakilala, gumawa agad siya ng pencil sketch ng nude women na ibinigay niya sa amin at nilagdaan ng kanyang initials na ADZ.
Katulad ng cartoon sketch ni Mang Larry, ipinalagay namin sa frame ang pencil sketch ni Mang Tony nang bumalik kami sa Pilipinas.

Noong May 2012, nagpunta kami sa Heritage Park para makiramay sa isang kaibigang may kamag-anak na pumanaw.
Nang mapadaan kami sa isang chapel, nabasa namin ang pangalan ng nakaburol—si Antonio DeZuniga na pumanaw sa edad na 79.
Hindi agad nagrehistro sa aming isip ang pangalan na Antonio DeZuniga.
Pero kinagabihan, napanood namin sa 24 Oras ng balita tungkol sa pagpanaw ni Tony DeZuniga, ang first Filipino comic book artist na tinanggap ng American publishers ang mga artwork.

Ayon sa report, matagal na nagtrabaho si DeZuniga sa DC Comics at co-creator siya ng DC fictional characters na Jonah Hex at Black Orchid.
Nang mamatay si Mang Tony, naglabas ng official statement ang Marvel Comics:
"Tony DeZuniga stands as a historic figure in comics, a singular voice of his own making. His legacy will be seen and felt in the multitude of fans he leaves behind and the incredible body of work of which he remained justifiably proud to his final days."
Ang karangalang ibinigay ni Mang Tony sa ating bansa, sa pamamagitan ng kanyang mga nilikhang karakter na kinilala sa buong mundo at ang mga hindi mabilang na artwork para sa DC Comics, ang ilan sa aming mga naisip na possible reason para ma-nominate siya na National Artist sa mga darating na panahon.