R13 ang classification na ibinigay ng MTRCB sa All Souls Night, ang suspense-thriller horror movie na Halloween presentation ng Viva Films at magbubukas sa mga sinehan ngayong October 31.
Si Andi Eigenmann ang lead actress ng All Souls Night, na madugo at bayolente ang mga eksena kaya kahit ang kanyang six-year-old daughter na si Elli, hindi puwedeng panoorin ang pelikula niya.

Sa grand presscon ng All Souls Night noong October 16, itinanggi ni Andi ang balita na semi-retired na siya sa showbiz.
Magiging unfair si Andi sa sarili at sa kanyang mga supporter kung tatalikuran niya ang showbiz sa edad na 28 dahil magaling siyang aktres, base sa kanyang mga eksena sa All Souls Night.
Kung nabubuhay ang ama niyang si Mark Gil, tiyak na matutuwa ito dahil minana ni Andi ang husay nila ni Jaclyn Jose sa pag-arte.
Hindi lang ang pagganap ni Andi ang lumutang sa All Souls Night dahil rebelasyon ang aktor na si Allan Paule na very effective sa role na demonyo.
Hindi para sa mahihina ang puso ang pelikula dahil sa hitsura pa lang ng karakter ni Allan, matatakot na sila.
Kinunan ang mga eksena ng pelikula sa ancestral house ng mga Legarda sa Maynila.
Hindi matukoy ng production staff kung iisa ang bahay na ginamit sa pelikula at ang bahay ng Legarda family na binili ni former President Joseph Estrada noong 2012 sa halagang PHP80 million.
Ang bahay ng mga Legarda ang ginamit ni Erap na home address nang kumandidato siyang alkalde ng Maynila noong May 2013.
Si Ellie ang common denominator nina Andi at Erap.
Si Ellie ay anak ni Andi kay Jake Ejercito, isa sa mga anak ng dating Pangulo kay Laarni Enriquez.