Si Christian Bables ang itinanghal na best actor sa closing ceremony ng 5th Hanoi International Film Festival na ginanap sa Cultural Friendship Palace sa Hanoi, Vietnam, noong October 31.
Nanalo si Christian para sa performance niya sa Signal Rock, ang critically-acclaimed movie ng direktor na si Chito Roño.

Maligayang-maligaya si Christian sa first international acting award na natanggap kaya pinasalamatan niya ang lahat ng mga tao na nakatulong para matupad ang kanyang pangarap na maging aktor.
Ang The Dark Room ng Iranian director na si Rouhollah Hejazi ang Best Feature Film ng 5th HANIFF.
Best actress ang Vietnamese na Dao Phuong Anh, ang lead actress ng Nham mat thay mua he (Summer In Closed Eyes).
Best feature film director si Piotr Domalewski ng Poland (Silent Night).
Ang Student A ng Republic of Korea ang winner ng Network for Promotion and Asian Cinema (NETPAC) award.
Dumalo si Christian sa red carpet ng 5th HANIFF na opisyal na nagsimula noong October 27 at natapos noong October 31, 2018.
Si Christian ang lead actor ng Recipe For Love, ang pelikula ng Regal Entertainment Inc. na ipalalabas sa mga sinehan sa November 21.
Makakatulong sa promo at publicity ng Recipe for Love ang magandang balita tungkol sa tagumpay ni Christian sa international film festival ng Vietnam na dinaluhan niya.