Personal na nakausap ng Cabinet Files si Plaridel, Quezon Mayor Bernard Tumagay ngayong Martes ng gabi, November 6.
Kinumpirma niya ang balitang namatay kaninang umaga sa isang cottage sa beach resort ng kanilang bayan ang 71-year-old character actor na si Nonong "Bangkay" de Andres.

Bakas sa boses ni Mayor Bernard ang matinding kalungkutan dahil malapit na kaibigan niya si De Andres.
Nang tanungin namin ang tunay na dahilan ng pagpanaw ni De Andres, "maselan" ang sagot ni Mayor Tumagay.
Mas makabubuti raw tanungin ang kamag-anak ng pumanaw na character actor.
Saludo kami kay Mayor Tumagay dahil ito ang may hawak ng cell phone ng munisipyo ng Plaridel at siya mismo ang sumasagot sa lahat ng tawag.
Very accommodating si Mayor Tumagay na isa lang ang tanging pakiusap—ang huwag nang bigyan ng ibang kahulugan ang kontrobersiyal na pagpanaw ni De Andres.
Ayon sa report ng GMA News, "apparent suicide" ang dahilan ng pagkamatay ni De Andres.
May mga tinanong kaming residente ng Plaridel at sila ang nagsabing tinapos ni De Andres ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti, gamit ang kawad.
Depressed diumano ang character actor.
Dinala ang labi ni De Andres sa Lucena City para i-autopsy, pero ibabalik din sa Plaridel ang kanyang bangkay ngayong gabi.
Habang isinusulat namin ito, hinihintay ang pagdating sa Plaridel ng mga kamag-anak ni De Andres na nagbitaw noon ng salita na kung mamamatay siya, gusto niyang bawian ng buhay sa nasabing bayan.