Ginugunita ngayong araw, November 7, ang 17th death anniversary ng aktres na si Nida Blanca.
Pinaslang at nagtamo ng multible stab wounds sa katawan si Nida sa loob ng kanyang sasakyan, na natagpuan sa parking space ng Atlanta Centre, Annapolis St., Greenhills, San Juan City, noong November 7, 2001.

Nang pumutok ang balita sa radyo noong 2001, pumunta ang awtor na ito sa Atlanta Centre—na noo'y opisina ng Movie, Television, Review and Classification Board (MTRCB)—para makibalita at magmasid.
At the time of her death, active board member ng MTRCB ang veteran actress.
Maling-mali ang ibang news report na natuklasan ang lifeless body ni Nida sa car trunk, dahil personal naming nakita ang duguang bangkay ng aktres sa back seat ng sasakyan niya.
Alam naming pinahirapan nang husto si Nida dahil nakasiksik sa sahig ng back seat ang katawan niya, na hindi agad mapapansin kung hindi sisilip nang mabuti sa bintana ng kanyang four-door car.
Ang mag-asawang Annabelle Rama at Eddie Gutierrez, pati na rin ang Dreamscape Entertainment producer na si Deo Endrinal, ang aming naabutan noon sa parking area ng Atlanta Centre.
Inconsolable at hysterical si Annabelle.
Bukod sa matalik silang magkaibigan, pareho silang residente ng White Plains, na kilalang private subdivision sa Quezon City.
Naroroon din sa Atlanta Centre ang American husband ni Nida na si Rod Strunk.
Kapansin-pansing tahimik na tahimik at hindi tinitingnan ni Rod ang bangkay ng misis niya.
Hindi normal para sa amin ang mga ikinikilos noon ni Rod.
Ni hindi man lamang lumapit sa kotse ni Nida si Rod, kaya ito ang ikinuwento namin kay Phillip Salvador na nakatutok din sa imbestigasyon noon.
Ibinurol ang labi ni Nida sa chapel ng White Plains, na walking distance lamang mula sa bahay niya.
Dahil kontrobersiyal at mahiwaga ang kanyang pagkamatay, dinagsa ng fans ang ilang gabi ng lamay para sa yumaong aktres.
Parang television series na maraming twist ang kuwento at imbestigasyon sa pagpaslang kay Nida, lalo na nang iturong primary suspect si Rod.
Pagkatapos ay binawi ng self-confessed hired killer na si Philip Medel ang testimonya nito na siya ang binayaran ni Rod para patayin si Nida.
Sa kabila ng pagbaligtad ng killer, si Rod pa rin ang itinuring na prime suspect sa pagpatay kay Nida.
Pero ilang buwan bago pormal na makasuhan ito, si Rod ay lumipad patungong Amerika noong January 2002 at hindi na bumalik pa sa Pilipinas.
Hanggang sa noong July 2007, nagpakamatay si Rod sa pamamagitan ng pagtalon mula sa balcony ng Tracy Inn sa Tracy, California.
Nakonsyensiya kaya kinitil ni Rod ang sariling buhay—ito ang paniniwala ng mga kumbinsidong ang former American actor-singer ang utak sa pagpaslang sa misis niya.
Naunang namatay si Rod kesa sa umaming hired killer na si Philip, na binawian naman ng buhay sa Pasig City General Hospital noong April 2010, dahil sa sepsis secondary to pneumonia.
Itinuturing na unsolved crime ang pagpatay kay Nida, dahil hanggang ngayon ay hindi natukoy kung sino ang tunay na nagpapatay at pumatay sa kanya.
READ: PEP LOOKBACK: The gruesome murder of veteran actress Nida Blanca