Nawalan si Arnell Ignacio ng panahon sa sarili mula nang tanggapin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanya ni President Rodrigo Duterte.
Ito ay ang posisyon ng Deputy Executive Director V ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Pero walang nararamdaman na pagsisisi ang television host/comedian dahil marami ang mga natutulungan niya na Overseas Filipino Workers (OFW).
Nagtataka lang si Arnell dahil ang dramatization ng malulungkot na karanasan ng OFWs sa kamay ng kanilang foreign employers ang napapanood sa TV at sa mga news program, samantalang napakarami ng masasaya at inspiring stories na kapupulutan din ng aral.
Ipinagtapat ni Arnell na base sa kanyang personal na karanasan, may mga insidente na mismong ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa ang gumagawa ng mga kalokohan kaya nakukulong sila o pinababalik sa Pilipinas.
Alam ni Arnell ang kanyang sinasabi dahil hawak niya ang mga video na ebidensiya ng pagiging pasaway ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Nakakatawa, nakakalungkot, at nakakaiyak ang ilan sa mga kuwento na narinig ni Arnell mula sa mga OFW.
Pero isa ang nagmarka sa amin, ang reklamo ng isang Pilipino na inoobliga ang OWWA na ipagpagawa siya ng pustiso.
Inireklamo ng OFW ng pang-aabuso ang kanyang Arabo na employer na nagalit dahil sinagot niya.
Nang sabihin daw ng Arab employer na “You’re President Rodrigo Duterte is very bad!" ay nagalit ang OFW, na pasigaw na sumagot ng “No, our president is not bad!!!”
Sa sobrang galit daw ng OFW sa kanyang judgmental Arab employer, tumalsik ang pustiso niya.
Sinamantala ng employer ang sitwasyon, tinapak-tapakan nito ang nadurog na pustiso ng OFW.
Ito ang pinag-ugatan ng reklamo ng OFW na pinababayaran sa opisina ni Arnell ang kanyang nawasak na false teeth.