Marami ang nagulat sa balitang kakandidato si Gary Estrada na bise alkalde ng Cainta, Rizal, sa midterm elections sa May 2019 dahil ang pagkakaalam ng karamihan, residente siya ng San Antonio, Quezon.
In fact, naglingkod si Gary bilang board member ng Second District ng Quezon province mula June 2010 hanggang June 2016.

Sa panayam kay Gary ng Cabinet Files, ipinaliwanag niyang mula pa noong 2007, may bahay na sila ng kanyang misis na si Bernadette Allyson sa Cainta.
Pero nagparehistro siya bilang botante ng naturang bayan noong 2016.
Sinabi ni Gary na ang running mate niya, ang incumbent vice mayor ng Cainta na si Pia Velasco na kakandidato na mayor sa May 2019 elections, ang nagkumbinsi sa kanyang tumakbo na bise alkalde.
Ayon kay Gary, gusto ni Vice Mayor Velasco na ipagkatiwala sa kanya ang Sandiganbayan ng Cainta at tinanggap niya ang hamon.
"I believe that if ever I get elected, I have the capacity to serve the people of Cainta," pahayag ni Gary.
Nangangarap si Gary na magawa rin niya sa Cainta ang kanyang mga project noon sa Quezon na malaking tulong sa pag-unlad ng nasabing lalawigan.
Pansamantalang nagpahinga si Gary sa pulitika noong 2016 para asikasuhin ang acting career niya.
Bukod sa kanyang showbiz career, ang build and sell business ang isa sa mga pinagkakaabalahan ni Gary.