Si Casey Banes Paculan ng Barangay Pinyahan, Quezon City ang tinanghal na 2018 Queen of Quezon City sa coronation night na ginanap kagabi sa UP Theater, UP Diliman, Quezon City.

Bukod sa title na Queen of Quezon City, si Casey ang humakot ng special awards tulad ng Best in Long Gown at Best in Swimsuit.
First runner-up at Lady Pride si Rami Hannash ng Barangay Sta. Lucia.
Si Rami ang transwoman candidate na nanganganib na matiwalag mula sa simbahan na kinaaniban nila ng kanyang pamilya dahil hindi hinihimok sa kanilang religious community ang sumali sa mga gay beauty pageant.
Second runner-up at Lady Respect si Pamz Diaz ng Barangay Gulod.
Third runner-up at Lady Equality si Ghen Antolin ng Barangay Santa Monica.
Sina 2016 Bb. Pilipinas Grand International Nicole Cordoves, Miss Earth 2017 Karen Ibasco, fashion designer Albert Andrada, Japanese-Brazilian model Hideo Muraoka at Asia’s Next Top Model 3rd season contestant na si Monika Sta. Maria ang ilan sa mga hurado ng second edition ng Queen of Quezon City.
Special guest performers si Marco Gumabao at ang Miss Tres, ang singing trio na sumali sa Asia’s Got Talent noong 2015 at sa Britain’s Got Talent noong May 2018.


Mga host ng coronation night ng Queen of Quezon City sina Paolo Bediones at 2002 Bb. Pilipinas-Universe Karen Agustin.

Joint project ng Quezon City government at ng Quezon City Pride Council ang Queen of Quezon City na layunin na itaguyod ang respect, equality, pride at empowerment sa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender at Queer community.
Ipinagmamalaki ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na ang Gender Fair Ordinance sa lungsod na pinamumunuan niya ang kauna-unahan sa gender equality legislation.