Ang multi-awarded director na si Chito Roño ang isa sa mga natuwa at excited sa pagbabalik ng US government ng historic Balangiga Bells sa Pilipinas.

Ito ay dahil maitutuloy na niya ang kanyang passion project, ang pelikula tungkol sa Balangiga Massacre na naganap sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar, noong September 28, 1901, habang nasa kainitan ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano.
As early as 2002, hawak ni Chito ang karapatan para isalin sa pelikula ang mga tunay na pangyayari sa Balangiga massacre.
Ang award-winning poet at screenwriter na si Pete Lacaba ang sumulat ng script ng Balangiga movie project ni Chito, pero sinabi nitong kailangan ang revision dahil matagal na panahon na ang lumipas.
True story ang Balangiga movie na gagawin ni Chito kaya maghahanap pa siya ng aktor na magiging bida dahil 30-years-old ang lead character.
Hindi na rin puwedeng kunan ang mga eksena ng pelikula sa actual place na pinangyarihan ng massacre dahil, ayon kay Chito, moderno na ang mga bayan sa Eastern Samar.
May soft spot sa puso ni Chito ang kuwento ng Balangiga massacre dahil tubong-Samar ang kanyang mga magulang at mga kababayan nila ang mga biktima ng madugong giyera.

Dinala ng American soldiers sa USA ang Balangiga bells bilang war booty.
Sa November 14 (November 15, Philippine time), magkakaroon ng military ceremony sa Francis E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming, bilang paghahanda sa pagbabalik sa Pilipinas ng mga makasaysayang kampana.
Dahil sa excitement na nararamdaman ni Chito, parang gusto niyang lumipad sa Amerika para personal na sunduin ang Balangiga bells at samahan ito sa nalalapit na pag-uwi sa Pilipinas.