Ikinuwento ng direktor na si Toto Natividad na pumirma na siya ng release contract sa ABS-CBN bilang direktor ng Kapamilya primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano.
Hinihintay na lamang niyang maipanotaryo ang mga dokumento kaya “guest director” pa lang ang billing niya sa Cain at Abel, ang drama-action primetime series ng GMA-7.
Pinagbibidahan ito nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.

Breaking news ang pagdalo ni Toto sa grand presscon ng Cain at Abel kagabi, November 13, dahil alam ng lahat na isa siya sa mga direktor ng FPJ’s Ang Probinsyano, kung saan si Coco Martin ang bida.
“Nag-sign na ako ng release contract sa ABS-CBN. Malinis naman ang konsensiya ko, nagpaalam naman ako,” paliwanag ni Toto tungkol sa paglipat niya sa Kapuso network.
Dagdag niya, “Siyempre, masaya ako na i-share sa GMA-7 ang aking talent, ang mag-contribute."
Inspirado si Toto lalo na't hindi raw matatawaran ang kanyang passion at loyalty sa action genre.
Balik-tanaw niya sa panahong matumal ang action movies at TV projects sa showbiz:
“Talagang hinintay ko yung hindi popular ang action. Tiniis ko talaga yun. Hindi ako nagpilit na gumawa ng drama, ng comedy.
“Tiniis ko talaga kasi sa tagal ko sa industriya, alam ko na umiikot iyan.
“Alam ko na babalik, kaya sa mga movies ko, sa vault ko, puro mga action movies ang nandoon, saka mga teleserye na action.
"Walang naligaw na drama."
Kilala si Toto sa paggawa ng mga pelikula at TV series na action genre, na malalaki ang mga eksena, 'tulad ng napapanood sa mala-pelikula na action scenes sa FPJ’s Ang Probinsyano,
Inaasahang gagawin din ito ng batikang direktor sa Cain at Abel ng GMA-7.
“Ang konsepto ko, gulatin mo, huwag mo silang papanoorin ng TV.
"Ang ipapanood mo sa kanila, pelikula, para yung makatapat mo, mahihirapan lumapit sa iyo.
"Hindi ko sinasabi na magaling ako, pero ganoon yung executions. Hindi lahat ng direktor, nakakagawa ng ganoong executions, piling-pili lang.
“Sinuwerte lang ako [na] kaya ko, para yung mga tatapat, hirap…"
Nag-umpisa ang movie-making career ni Toto bilang film editor na nagbigay sa kanya ng maraming parangal.
Mula sa pagiging award-winning film editor, sinubukan ni Toto na gumawa ng mga action movies.
The rest is history.
Tinanong ng Cabinet Files kung bakit nagiging mahusay na direktor ang mga film editor gaya niya at ni Joyce Bernal.
Sagot ni Toto: “Ako ang nagpuputol ng mga eksena ko. Rhythm kasi yun sa action.
“Kapag gumawa ka ng eksena mo, para kang sumasayaw.
“Yung tibok ng puso mo, kasabay na ng rhythm ng pelikula.
“Sa taping o shooting pa lang, alam ko na ang mga eksena na puputulin.”
Postscript: Gaya ng kanyang mga pelikula at television project, nagkaroon din ng maaksyong karanasan si Toto nang pasukin niya ang mundo ng public service.
Nakatanggap daw siya ng death threats nang kumandidato siyang barangay captain sa Barangay Kaunlaran, Navotas, noong May 2018 barangay elections.
May mga insidenteng iniikutan daw ang bahay ni Toto ng mga kalalakihang hindi niya kilala at kahina-hinala ang kilos.
“Drug lord daw ako!" natatawang sabi ni Toto.
Namamanghang dagdag niya, "Hindi nga ako nagyoyosi."