Si Reynaldo "Oliver" Villarama ang ginawaran ng natatanging Pink Film Award sa opening ceremony ng Quezon City International Pink Film Festival 2018 na sa Cinema 5 ng Gateway Cineplex sa Araneta Center, Cubao, Quezon City, ginanap kagabi, November 14.

Sa mga hindi nakakakilala kay Oliver, siya ay isang gay icon of the eighties, at female impersonator na bida sa Oliver, ang 1983 documentary movie ni Nick Deocampo.
Si Oliver ay 24 years old lamang nang ipagkatiwala nito kay Deocampo na isalin sa pelikula ang mahirap at masalimuot na buhay niya bilang female impersonator noong panahon ng martial law para matulungan niya ang kanyang ina at mga kapatid.
Sina Liza Minelli at Grace Jones ang ilan sa mga karakter na ginampanan ni Oliver bilang impersonator sa mga gay bar, pero nakilala siya nang husto dahil sa kanyang Spider-Man act.
Bilang Spider-Man, ipinapasok ni Oliver sa butas ng puwit nito ang yarda-yardang sinulid na ginagawa niyang sapot ng gagamba habang nagsasayaw siya.
Tatlumpu’t limang taon na ang nakalilipas mula nang gawin ni Deocampo ang documentary na Oliver at 20 taon na ang nakararaan buhat nang huli silang magkita ng bidang si Oliver.
Noong November 13, 2018, tuwang-tuwang ibinalita ni Deocampo sa Facebook na natagpuan na niya si Oliver, isang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng Quezon City International Pink Film Festival.

"In time for the Pink film festival that will open tomorrow, Nov 14, at Gateway Cinema, nahanap ko si Oliver!
"After twenty years of losing touch with Oliver, the gay icon of the Eighties whose appearance on film changed the face of Philippine documentary from the propaganda espoused by martial law to the gritty realism of the post-ML era, I finally met him again through facebook (courtesy of his apo, Harold Almen). Oliver shows the weariness of years but remains as life-affirming as before."
Kuwento pa ni Deocampo sa Facebook post nito, "When I first made the film on him, it was the year Ninoy Aquino was shot at the tarmac.
"Nothing less than a social storm followed. In that storm we added our voice as homosexuals fighting for our space in the changing times. Not many did.
"Kahanga-hangang isinalaysay ni Oliver ang kanyang kuwento ng pakikibaka sa masalimuot na buhay sa loob ng panahon ng martial law.
"Sa kanyang matapang na pagbigay ng mukha sa paghihirap, sa pagbigay boses sa isang kasarian na nasa laylayan ng lipunan, si Oliver ay tatanggap ng pinakamataas na karangalan na maibibigay ng Quezon City International Pink Film Festival--ang natatanging 'Pink Film Award.'
"Tatanggapin niya ito sa taon ng pagsasaalaala ng sentenaryo ng Philippine documentary (1918-2018).
"Isa pa lamang ang nakatanggap nitong award, si Soxie Topacio, na isang batikang direktor."
Mangiyak-ngiyak si Oliver nang tawagin ang kanyang pangalan bilang recipient ng Pink Film Award.
Si Oliver ay 59 years old na ngayon, pero mas matanda sa edad niya ang kanyang hitsura dahil sa mga pagsubok at mga hirap na pinagdaanan.
Lahad ni Oliver, “Magaganda na ang buhay ng mga kapatid ko pero napariwara ako, pinalayas ako.
“Pero dinadalaw ko sila, nakatira ako sa anak ng pinsan ko, nag-aalaga ako ng mga apo, limang apo sa tuhod.”
Dagdag pa niya, “Salamat nakadalo ako sa award, kay tagal-tagal. Matagal kaming nagkahiwalay ni Nick.
"Ngayon ko lang nakontak si Nick after twenty years mahigit dahil sa pamangkin ko, asawa ng apo ko.
“Salamat nagkatagpo tayo dito, nakita nyo ako.
"Buhay pa ako. Ibinili na ako ni Nick ng pamburol," biro ni Oliver tungkol sa pink barong na binili at ipinasuot sa kanya ni Deocampo.
Masigabong palakpakan ang tinanggap ni Oliver mula sa mga bisita na natuwa dahil nakita siya nang personal.
Bago iginawad kay Oliver ang parangal, ipinakita muna ang ilang bahagi ng documentary movie tungkol sa kanya at ang pinag-uusapanG Spider-Man act niya.
Ang parangal na iginawad kay Oliver at ang screening ng opening film na 50 Years of Fabulous ang mga highlight ng pag-uumpisa ng Quezon City International Pink Film Festival 2018.
Mapapanood hanggang November 25 sa mga sinehan ng Gateway Cineplex ang mga pelikula na kalahok sa film festival na itinataguyod ng Quezon City government.