Hindi si Nadine Lustre ang wastong tao na dapat tanungin tungkol sa pagkawala ni Xian Lim sa cast ng Ulan dahil hindi niya alam ang dahilan.

Naganap noong June 20, 2018 sa Viva Films office ang story conference ng Ulan, ang pelikulang pagbibidahan nina Nadine, Marco Gumabao, AJ Muhlach, at Xian.
Sa presscon ng Miss Granny noong August 7, 2018, nabanggit ni Xian na hindi na siya kasama sa cast ng bagong pelikula ni Irene Villamor sa Viva Films.
Pero clueless siya sa tunay na rason.
Noong October 15, 2018, lumabas ang balitang si Carlo Aquino ang ipinalit kay Xian bilang isa sa leading men ni Nadine sa Ulan.
Sa story conference kahapon ng Indak, ang unang movie team-up nina Nadine at Sam Concepcion, ang pagkawala ni Xian sa cast ng Ulan ang itinanong sa aktres.
Sagot ni Nadine, "I don’t know what really happened, baka conflict… I’m not really sure what happened."
Nawala man si Xian, tiniyak ni Nadine na hindi nakaapekto sa kuwento ng Ulan ang pagpasok ni Carlo dahil unang kinunan ang mga eksena nila nina AJ at Marco.
"Wala naman pong naging conflict kasi when we’re shooting for two weeks, si AJ at si Marco po [ang kasama]," paglilinaw ni Nadine.
Ipinagmamalaki naman ng Kapamilya actress ang Ulan.
Aniya, "It’s doing well… Actually, malapit na po kaming matapos.
"But medyo madugo yung post production, so I’m not yet sure kung kailan po siya ipalalabas.
"Early next year ang balita, pero wala pang final announcement.
"I’m super happy. Direk Irene is super happy, saka ang sarap-sarap magtrabaho sa set."
Tatlong pelikula ang magkakasunod na ginagawa at gagawin ni Nadine: ang Ulan; ang dance movie na Indak, na movie directorial debut ng concert director na si Paul Basinillo; at ang Pedro Penduko: The Legend Begins ng Epik Studios, ang reunion movie nila ng kanyang boyfriend na si James Reid.