Sa edad na 32, woman of wisdom na ang Pamilya Roces star na si Katrina Halili kaya siyam na taon matapos niyang masangkot sa “infamous video scandal,” nasasagot na niya nang walang pag-aalinlangan ang mga tanong tungkol sa karanasang nagturo sa kanya ng maraming leksyon.

Naungkat ang nakaraan dahil tinanong namin si Katrina tungkol sa pinakamahalagang aral na natutunan niya mula nang maging bahagi siya ng showbiz.
“Marami.
“Kung ano ang natutunan ko sa buhay ko, showbiz na ang nagturo, kasi bata pa ako nang dumating ako dito.
“Siyempre, pagmamahal sa trabaho. Nagkaroon ng direksyon, nagkaroon na ako ng baby.
“Mas minahal ko yung trabaho ko.
“Naniniwala ako na puwede akong maka-inspire ng mga tao kaya naging maingat ako after na magkaroon ako ng baby, hindi na ako nagkaroon ng relasyon.
“Inisip ko na ayokong isampal sa akin ng anak ko na, ‘Ikaw nga nag-aano, e...
“May ganyan ka na nakita niya na ginawa ko.
“Hindi ako nagtitiis ha? Parang ayoko makita ng anak ko na ginagawa ko, 'tapos gagawin niya.
“Pero hindi ako nagtitiis ha?” sagot ni Katrina.
Sa panahon ngayon na palasak ang paggamit sa social media, lalong naging ruthless at cruel ang ibang mga taong mapaghusga, kaya hiningi namin ang reaksyon ni Katrina tungkol sa magiging sagot niya kapag lumaki ang kanyang six-year old daughter at magtanong ito kung bakit siya nasangkot sa isang eskandalo na naging national issue noong 2009.
Wala kaming nabakas na pagkagulat sa mukha ni Katrina nang marinig nito ang aming tanong.
Isa itong patunay na may nararamdaman na siya na kapayapaan sa sarili.
“Hindi ko pa yan napaghahandaan, pero siyempre, i-explain ko sa kanya na hindi naman maiiwasan ang lahat ng mga bagay-bagay kaya kailangan na mag-ingat tayo.
“Kaya nga nagiging role model ako sa kanya ngayon para unti-unti, sasabihin ko sa kanya kung bakit hindi ka puwedeng ganito, bakit ganito…
“Sa dami ng mga pinagdaanan ko, ang dami ko nang puwedeng sabihin sa kanya kung bakit ko siya pinagbabawalan.
“Iisa-isahin ko sa kanya.
“Pero sa ngayon, hindi pa niya maiintindihan,” pahayag ni Katrina na palaging dasal sa Diyos na tulungan siya na mapalaki nang maayos ang anak niya na sentro ngayon ng kanyang buhay at kaligayahan.