May tender kissing scene sa Rainbow’s Sunset sina Eddie Garcia at Tony Mabesa, na gumaganap na septuagenarian gay lovers sa official entry ng Heaven's Best Entertainment sa Metro Manila Film Festival 2018.
Ang aspiring actor na si Sheido Roxas ang young Eddie at si Ross Pesigan ang batang Tony sa Rainbow’s Sunset.
Pero torrid kissing at hindi simpleng halik para sa isa’t isa ang eksena nila sa mapangahas na pelikula ng direktor na si Joel Lamangan.

Ang Rainbow's Sunset ay tumatalakay sa same-sex relationship, video scandal, pakikipagrelasyon ng isang babae sa lalaki na mas nakababata sa kanya, at corruption sa pamahalaan.
Si Max Collins ang young Gloria Romero, ang maunawaing misis ng karakter ni Eddie at tanggap ang pagiging bakla ng asawa niya.
Isang family movie ang Rainbow’s Sunset na ikinukumpara sa Tanging Yaman kahit magkaibang-magkaiba ang kuwento ng mga nabanggit na pelikula.
Ang Tanging Yaman ang official entry ng Star Cinema sa Metro Manila Film Festival noong 2000.
Humakot ng mga parangal sa awards night ng MMFF 2000 ang Tanging Yaman.
Inaasahang ganito rin ang magiging kapalaran ng Rainbow’s Sunset sa Gabi ng Parangal ng MMFF 2018, na magaganap sa The Theatre ng Solaire Resorts & Casino sa December 27, dahil sa mahusay na pagganap nina Eddie, Tirso Cruz III, at Gloria.
May isang eksena si Tirso sa Rainbow’s Sunset na magpapaalala sa lahat ng pagkamatay ng kanyang anak na si Teejay, pero hindi namin sasabihin para hindi ma-preempt ang kuwento.
Nang mapanood namin ang eksena, parang kinopya ito sa nangyari sa tunay na buhay ni Tirso, pero matagal nang tapos ang shooting ng Rainbow’s Sunset nang pumanaw ang kanyang anak.
Ang former FHM editor in chief na si Eric Ramos ang sumulat ng screenplay ng Rainbow’s Sunset, at kasama rin siya ni Joel at ng movie producer na si Ferdy Lapuz sa pagbuo ng kuwento ng pelikula.
Para kay Eric, ang Rainbow’s Sunset ang pinakamaganda sa mga pelikula ni Joel, na isang multi-awarded film director.
Mga bida rin sa Rainbow’s Sunset sina Sunshine Dizon, Aiko Melendez, Jim Pebanco, Tanya Gomez, Sue Prado, at ang nagbabalik-showbiz na si Marcus Madrigal na nabigyan ng magandang exposure sa kanyang comeback movie.
Bukod sa mas mukhang artista siya ngayon, malaki na ang improvement ng acting ability ni Marcus.
