Kahit ipagpilitan naming Internet o YouTube sensation si Mader Sitang, hindi siya kilala ng mga kababayan niyang tinanong namin tungkol sa kanya sa aming very recent Thailand visit.

"I will check Google," sagot ng Thai tour guide nang sabihin namin sa kanyang sikat sa Thailand si Mader Sitang kaya dinala ito sa Pilipinas ng show producer and promoter na si Wilbert Tolentino.
Blangko rin ang reaksiyon ng ibang mga Thai na tinanong namin kung pamilyar ba sila kay Mader Sitang.
Kinondena ni Tolentino si Mader Sitang dahil lumitaw ang katotohanang hindi tunay na abogado ang kanyang discovery na hinihingan siya ng milyun-milyong talent fee kaya hiniling niya sa Bureau of Immigration na ideklara itong "undesirable alien."
May pananagutan si Tolentino sa kanyang mapait na karanasan dahil binigyan niya si Mader Sitang ng ilusyon na sikat na sikat ito sa Pilipinas.

Nilinlang ni Mader Sitang si Tolentino sa kanyang claim na abogado siya.
Pero may participation din ang show producer sa nangyari dahil pinaniwala nila ang (hopefully few) gullible Filipinos na Internet sensation sa sariling bansa ang Thai transgender woman, na mag-flip ng buhok ang nag-iisang talent.
Pinagpistahan ng Philippine media si Mader Sitang nang bumista ito sa Pilipinas noong October 2018, at kabilang si Korina Sanchez sa mga nag-aksaya ng panahon na ma-interview siya sa Rated K ng ABS-CBN.

Matagal nang broadcast journalist si Korina kaya nakalulungkot isiping kahit beterana na siya sa television industry, napaniwala siya ni Mader Sitang na popular personality ito sa Thailand.
Nagamit din ni Sitang ang Rated K sa pagpapalaganap ng kasinungalingan dahil hindi nga abogado at lalong hindi sikat sa Thailand ang "Internet sensation" na featured personality sa October 21, 2018 episode ng programa ni Korina.