Isang kasaysayan ang naganap sa grand launch ng P-Pop Generation: Boom Ganda! sa Teatrino Greenhills kahapon, December 3, dahil ipinakilala ng Viva Live, Inc. ang 45 miyembro ng grupo na may edad na 13 hanggang 18.

To date, ang P-Pop Generation: Boom Ganda! ang bagong tatag na grupo na may pinakamaraming miyembro na sabay-sabay na iniharap sa entertainment media.
Dahil mahirap matandaan ang pangalan ng 45 members ng P-Pop Generation: Boom Ganda!, makikilala sila sa pamamagitan ng kanilang mga numero.
Joint venture ng Viva Live, Inc. at ng RTM of Japan ang P-Pop Generation: Boom Ganda! na magkakaroon ng series of shows sa Teatrino Greenhills sa January 2019.
Special guests sa opisyal na pagpapakilala sa mga miyembro ng P-Pop Generation: Boom Ganda! si Boss Vic del Rosario, ang Chairman ng Viva Communications, Inc. at ang Japanese executives ng RTM of Japan; ang creative producer na si Ryota Naito; at ang performer, events organizer at talent manager na si Masatoshi Mano a.k.a. MC Man.

Ang veteran dance choreographer na si Geleen Eugenio ang mentor ng P-Pop Generation at siya rin ang head ng Artists Development Center ng Viva Communications, Inc.
Ipinagtapat ni Geleen na hindi madali na mag-alaga ng 45 members ng P-Pop Generation.
Pero pinairal niya ang disiplina at pagiging ina kaya parang mga anak niya ang bagong contract stars ng Viva Artists Agency na nangangarap sundan ang yapak sa show business ng former Pop Girls members na sina Nadine Lustre, Shy Carlos, at Yassi Pressman na mga sikat na aktres na ngayon.
Magaganda, magagaling sumayaw at kumanta ang lahat ng mga miyembro ng P-Pop Generation: Boom Ganda! kaya hindi imposibleng sumikat sila.
Ayon kay Geleen, tatlong libo ang sumali sa auditions na ipinatawag nila at ang 45 miyembro ang nakapasa sa lahat ng mga pagsubok.
Ang P-Pop Generation: Boom Ganda! ang Filipino counterpart ng iba’t ibang mga sikat na grupo ng J-Pop ng Japan at K-Pop ng South Korea.
Ipinakita ng P-Pop Generation: Boom Ganda! ang talent nila sa media launch na ginanap sa Teatrino Greenhills.
Hindi nagkamali si Geleen sa sinabi nitong mahuhusay ang mga miyembro ng grupo na pinalakpakan ng entertainment press nang kantahin at sayawin nila ang nakaka-happy na version ng "Urong Sulong" at "Kapag Tumibok ang Puso."