Sa halos buong buhay niya, nasanay si former Senator Bong Revilla Jr. na siya ang nagbibigay ng tulong sa mga nangangailanga.
Pero sa bihirang pagkakataon, siya ngayon ang humihingi ng tulong sa pamamagitan ng mga panalangin.

Dasal ang hinihiling ni Bong dahil sa darating na Biyernes, December 7, malalaman na niya ang hatol ng Sandiganbayan sa kasong ibinibintang laban sa kanya.
Ipinagdarasal din ni Bong na haplusin ng Panginoong Diyos ang mga hukom na magdedesisyon sa kasong nagsasangkot sa kanya sa PDAF scam.
Ito ang mensaheng ipinarating ni Bong:
"Matapos ang apat at kalahating taon ng pagkakapiit ang pagpapasailalim sa napakabagal na proseso, parating na po ang araw na aking pinakahihintay – ang katapusan ng aking paglilitis.
"Sa darating na Biyernes, December 7, ibababa na ng hukuman ang hatol sa kasong ipinukol sa akin.
"Sa panahong ito, muli po akong kumakatok sa inyong mga puso para humiling ng inyong panalangin na magtagumpay ang katotohanan at katarungan.
"Dahil sa inyong mga dasal, nabuno natin at nairaos ang halos limang taon ng matinding pagsubok.
"Dahil pa rin sa inyong mga dalangin, nawa ay haplusin ng Panginoon ang mga mahistrado.
"Maraming maraming salamat po."