Coco Martin, gustong mag-guest sa Eat Bulaga!

Walang nakikitang dahilan si Coco Martin para hindi siya payagan ng ABS-CBN na mag-promote sa Eat Bulaga! ng Jack Em Popoy: The Puliscredibles, ang action-comedy movie na official entry nila nina Vic Sotto at Maine Mendoza sa 44th Metro Manila Film Festival.

IMAGE Noel Orsal

Sinabi ni Coco sa grand presscon ng Jack Em Popoy kahapon, December 6, na walang rivalry, dahil ang pagbibigay ng kaligayahan sa mga Pilipino ang magkaparehong layunin nila ni Vice Ganda.

Si Vice ang host ng It’s Showtime na katapat ng Eat Bulaga! at may pelikula ring kasali sa Metro Manila Film Festival 2018, ang Fantastica.

"Actually, wala naman problema yun kasi ngayon, sabi ko nga, wala nang rival.

"Ang paggawa ng pelikula, lalo na ngayong Kapaskuhan, ginagawa po natin ito para mapaligaya yung mga Pilipino, hindi po para maglaban-laban kung sino yung magiging number one.

"Wala na pong ganoon. Kumbaga, gawin na lang natin ito para mapasaya yung mga tao," sabi ni Coco.

Nagsalita rin ang Kapamilya actor na puwede siyang mag-promote ng Jack Em Popoy sa noontime program ni Vice Ganda at gusto niyang mag-guest sa Eat Bulaga.

Pero magpapaalam pa raw siya sa ABS-CBN management.

Noong hindi pa siya sikat, naranasan na ni Coco na mag-guest sa Eat Bulaga! dahil nag-promote sila ng SexBomb Dancers ng Isla Chikita, isa sa mga season episodes ng Daisy Siete noong 2007.

"Nag-promote kami doon, 'tapos sumayaw kami," pagbabalik-tanaw ni Coco.

Bumalik si Coco sa Broadway Centrum studio ng Eat Bulaga! dahil dito kinunan ang mga eksena niya para sa Jack Em Popoy.

Ito ay ang pagsali sa "Mr. Pogi" contest ng karakter na kanyang ginampanan sa pelikula nila ni Vic, na idea ng direktor na si Mike Tuviera.

Nahirapan si Coco sa mga eksenang sumayaw at nag-rap siya bilang contestant ng "Mr. Pogi" kaya matagal kinunan ang eksena.

Ayon kay Mike, nag-enjoy ang buong staff sa mga ginawa ni Coco kaya nagpasya siyang isama sa katapusan ng pelikula ang bloopers ng aktor.

"Doon ko nakita si Coco na sobrang kinakabahan. Actually, inilagay namin yun sa outtakes, nasa credits yun.

"Kaya kapag pinanood niyo yung pelikula, hindi kayo puwedeng tumayo. Bawal umalis," mahigpit na bilin ni Direk Mike sa mga manonood ng Jack Em Popoy.

 


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN