Ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles ang pangalawang pelikula ni Ryza Cenon para sa Metro Manila Film Festival dahil kasama rin siya sa cast ng Enteng Kabisote 10 and the Abangers, ang pelikula ni Vic Sotto na official entry naman sa film festival noong December 2016.

Natawa si Ryza sa mga komento na paborito siya ni Vic dahil dalawang filmfest movie na ang pinagsasamahan nila.
Pero natutuwa siya sa tiwala na ibinibigay sa kanya ng veteran comedian at ng APT Entertainment, ang co-producer ng Enteng Kabisote 10 at ng Jack Em Popoy.
“Hahaha, baka hindi naman po favorite pero flattered po ako,” ang natawang reaksyon ni Ryza sa isyu.
“Sana nga po, marami pa ako na magawa na pelikula with Bossing.
“Nakakatuwa kasi kung pangalawa, baka mapangatluhan pa.
“Ibig sabihin po, nagtitiwala si Bossing at ang APT sa talent ko para i-consider nila ako sa role kaya sobrang thankful ako,” ani Ryza.
Isa kami sa mga natutuwa sa magagandang nangyayari ngayon sa acting career ni Ryza dahil ilang taon na ang nakalilipas, nasaksihan namin sa unang painting exhibit niya sa isang restaurant sa San Juan ang lungkot na kanyang nararamdaman.
Noong mga panahong yon, walang regular television show si Ryza at tila walang direksyon ang showbiz career niya kaya pumasok siya sa food business.
Nevertheless, umiral ang pananalig ni Ryza sa Panginoon at hindi siya nawalan ng pag-asa.
Muling sumigla ang acting career ni Ryza nang gampanan niya ang contravida role sa Ika-6 Na Utos at mula noon, nagtuluy-tuloy na ang kanyang suwerte.
Sa Jack Em Popoy, kontrabida ang karakter ni Ryza pero nagpapasalamat siya dahil nakatrabaho niya muli sina Vic at Coco Martin.
“Flattered ako na mapasama sa cast ng Jack Em Popoy at makatrabaho sina Bossing, Coco at Maine Mendoza.
“Lahat ng kasama namin, mga beterano at magagaling na artista kaya sobrang thankful ako na na-consider nila ako sa cast.
“This year, super blessed and grateful ako.
“For the whole year, nabigyan ako ng magagandang project sa ABS-CBN, and I’m thankful to my Viva family.
“Sana po ngayong 2019, more blessings and siyempre, new year, new life!”