May special participation si Marco Gumabao sa Aurora bilang ex-boyfriend ni Anne Curtis.

Hindi ito ang una at huling pagtatambal nila sa pelikula.
Si Marco ang hinuhulaang Most Important Male Actor ng Viva Films sa 2019 dahil sunud-sunod ang movie projects niya, at siya rin ang napipisil na leading man ni Anne sa bagong pelikulang gagawin nito sa susunod na taon.
Overwhelmed si Marco sa mga obserbasyon na siya ang next important star ng Viva Films pero hindi niya maiwasang kabahan.
“Nakaka-overwhelm siyempre pero may halong kaba rin.
“Thankful ako sa Viva because they’re showing me na hindi ako nagkamali na lumipat sa kanila.
“Now, they’re pairing me with Anne Curtis.
“Ibig sabihin, they really believe in what I can do as an actor.
“Alam nila na ibibigay ko ang lahat ng makakaya ko para mapaganda ko yung projects na ipinagkakatiwala nila sa akin.
“It’s such a great honor working with Anne.
“Dati, noong tinatanong ako kung sino ang dream ko na makatrabaho, si Anne ang isa sa mga isinasagot ko.
“Now na nagkasama na kami sa Aurora, sobrang saya ko kasi napakabait niya at napakadaling katrabaho,” pahayag ni Marco na dream come true na makatrabaho si Anne.
Sa ginanap na presscon ng Aurora kagabi, December 7, ikinuwento ng direktor na si Yam Laranas na hindi nito binigyan ng eksena si Anne na lumalangoy sa karagatan ng Batanes dahil nakita niyang nahirapan sina Marco at Allan Paule sa paglangoy sa nagsasalubong na tubig ng West Philippine Sea at Pacific Ocean.
“ When we were doing the scenes na lumalangoy kami sa dagat ng Batanes, nandoon yung kaba kasi ramdam ko yung current na napakalakas pero instead na matakot ako, I enjoyed it na lang.
“Grabe yung adrenaline rush while shooting it.
“Happy ako dahil nagawa namin nang maayos yung mga underwater scene,” ani Marco.
Ang Aurora ang unang pelikula ni Marco na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2018, at tiyak na magiging memorable ito para sa kanya dahil mararanasan niyang sumali sa Parade of Stars na magaganap sa Paranaque City sa December 23, 2018.