Ginunita kahapon, December 14, ang 14th death anniversary ni King of Philippine Movies Fernando Poe Jr. sa pamamagitan ng isang banal na misa sa harap ng kanyang puntod sa Manila North Cemetery.

Dumalo sa misa, na pinangunahan ni Fr. Larry Faraon, ang pamilya ni FPJ sa pangunguna ng misis nitong si Susan Roces, ang kanilang anak na si Senator Grace Poe, mga kamag-anak, at mga tagahanga.
Ayon kay Susan, ipagpapatuloy niya ang mga nasimulan ng kanyang asawa na sumakabilang-buhay noong December 14, 2004 sa St. Luke’s Medical Center, Quezon City, sa edad na 65, dahil sa stroke.
Hinihikayat ni Susan ang lahat na magkaroon ng positive attitude at gawing inspirasyon ang kanyang namayapang asawa.

Tulad ni Susan, nangako si Senator Grace na tutulong para maayos ang mga problema dahil nakikita nating nanunungkulan pa rin ang mga dating may kasalanan sa bayan.
Pinasalamatan din ni Senator Grace ang lahat ng mga nakiisa sa paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ng kanyang ama.
"Maraming salamat po sa inyong pakikiisa sa pag-alala ng anibersaryo ng pagpanaw ni FPJ.
"Parangalan natin ang kanyang naging buhay sa pagpapatuloy ng pagtulong sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan ng walang hinihintay na kapalit," mensahe ng pasasalamat ng lady senator.
Nang matapos ang misa, pinasaya ng mag-ina ang mga kababayan nating naninirahan sa Manila North Cemetery dahil namudmod sila ng mga Christmas gift.