Nagtataka ang mga tao sa paligid ni Kim Domingo dahil nagbago ang isip nito na gampanan ang karakter sa Ganti na ipinagkatiwala sa kanya ng GMA-7.

Ang Ganti ang upcoming drama television series na pagbibidahan nina Kim, Max Collins, Jason Abalos at Mark Herras.
Sinipot ni Kim ang story conference at look test para sa role niya sa Ganti pero nang matapos ang proseso, saka umano sinabi ng sexy star na hindi na nito tatanggapin ang project dahil masyadong seksi sa kanyang panlasa ang gagampanan ng karakter.
Ang hindi inaasahan na desisyon ni Kim ang dahilan kaya magkakaroon ng delay sa taping ng Ganti dahil naghahanap pa ng aktres na ipapalit sa kanya.