First time ni Marco Gumabao magkaroon ng pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival kaya excited siyang sumakay sa float ng Aurora para sa Parade of Stars, na magaganap sa December 23 sa Parañaque City.

Pero may kapalit na sakripisyo ang participation ni Marco sa Parade of Stars sa darating na Linggo dahil nangangahulugan itong hindi niya madadalaw sa New Bilibid Prison ng Muntinlupa ang kanyang amang si Dennis Roldan.
Tuwing Huwebes at Linggo lamang kasi ang visiting days sa NBP.
"Actually, kapag mismong December 25, hindi puwedeng dumalaw, kaya sa December 23 ang schedule," sabi pa ni Marco.
Huling nagkita ang mag-ama noong nakaraang linggo dahil dinalaw ni Marco si Dennis para sa post-birthday celebration nito. Noong December 8 ang 62nd birthday ni Dennis.
Kahit apat na taon nang nakakulong si Dennis, updated siya sa mga nangyayari sa showbiz career ni Marco at ikinatutuwa niya ang mga narating ng kanyang anak.
"Sobrang happy si Papa. He’s really happy.
"Natutuwa siya na ang laki na raw ang improvement ko sa acting from before.
"Hearing it from him, nakakatuwa lang dahil, you know, you have your dad’s support," sabi ni Marco.

Binago ang hitsura ni Marco sa Aurora para sa karakter na ginampanan niya.
Ex-boyfriend ni Anne Curtis ang role ni Marco. Siya ang hiningan ni Leana (Anne) ng tulong sa paghahanap ng mga bangkay na pasahero ng Aurora, ang barkong lumubog sa karagatan ng Batanes.