Parehong pinuntahan ni Anne Curtis ang magkasunod na red-carpet premiere ng Aurora sa Ayala Malls The30th sa Pasig City at SM Megamall sa Mandaluyong City nitong Miyerkules, December 19.
Kasama ang kanyang mister na si Erwan Heussaff, dumalo muna si Anne sa premiere ng Aurora sa Ayala Malls The 30th.

Inumpisahan at tinapos ni Anne ang panonood sa Ayala Malls The 30th bago tumuloy sa SM Megamall, para sa kasunod na screening ng pinagbibidahan niyang official entry ng Viva Films at Aliud Entertainment sa 44th edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa December 25 ang umpisa ng showing ng Aurora at pito pang official entries ng MMFF.
"Elevated horror movie" ang description ni Anne sa Aurora.
Tinapatan niya rin ito ng elevated acting sa kanyang mga eksena sa pelikula na puwedeng-puwedeng panoorin ng mga bata.
Sa ganda ng dramatic performance ni Anne ay malaki ang tsansa niyang manalo ng best actress sa gawad parangal ng MMFF 2018, na magaganap sa December 27.
Ten years ago huling nanalo ng best actress trophy si Anne sa 2008 MMFF, dahil sa acting niya sa Baler.
Inaasahan din namin na hahakot ng parangal ang Aurora sa iba’t ibang mga kategorya dahil sa mahusay na direksyon ni Yam Laranas, outstanding production design, at superb musical scoring ng pelikula.
Malakas na palakpakan mula sa audience ang tinanggap nina Anne at Direk Yam nang matapos ang screening ng pelikulang talagang maipagmamalaki dahil sa world-class quality nito.
Bago nagsimula ang pagpapalabas sa Aurora, nagkaroon muna si Yam ng technical run para makatiyak siyang walang magiging aberya.
Sa brief conversation namin kay Yam, sinabi nito ang nararamdamang excitement.
"Madugo" ang shooting ng Aurora sa Batanes, ayon sa isang staff member na nakausap ng Cabinet Files.
Sulit na sulit ang hirap, pagod, at mga sakripisyo ng lahat ng mga artista at production crew ng Viva Films at Aliud Entertainment dahil maganda ang resulta ng trabaho nila.