"Oo naman," mabilis na sagot ni Kim Chiu nang itanong ng Cabinet Files kung naiisip ba niyang darating ang araw na mawawala siya sa showbiz.
Nagpakatotoo si Kim nang sabihin nitong ang bilis-bilis ng pagpalit ng mga artista ngayon.

At kung sakaling magretiro raw siya sa pag-arte, pipiliin niyang manirahan sa Canada.
"Gusto ko sa Canada, taga-roon ang uncle ko and nandoon ang brother ko, doon siya nag-aaral.
"'Tapos, yung sister ko, flight attendant.
"Yung isang brother ko naman, private pilot siya sa Edmonton, Canada.
"Nag-stay ako doon ng mga three weeks.
"Gusto ko doon, ayoko nang umuwi,” sabi ni Kim, na lead actress ng One Great Love, ang official entry ng Regal Entertainment Inc. sa 44th Metro Manila Film Festival.
Ginanap kagabi, December 22, ang press preview ng One Great Love sa Director’s Club ng SM Megamall sa Quezon City.
Karamihan sa entertainment writers na dumalo roon ay nagsasabing malaki ang tsansa ni Kim na manalo bilang Best Actress sa Gabi ng Parangal ng MMFF, na gaganapin sa December 27.
Mahusay ang ipinamalas ni Kim na pag-arte sa pelikulang pinagtatambalan nila nina Dennis Trillo at JC De Vera.
Maninibago kay Kim ang mga tagahanga nito dahil sa mga lovemaking scene niya kina JC at Dennis, na tastefully done kaya hindi malaswa sa paningin.
Si Kim ang magiging mahigpit na kalaban ni Anne Curtis bilang Best Actress sa MMFF, dahil nagpakitang-gilas din sa pag-arte ang huli bilang lead star ng pelikulang Aurora.
Para naman sa Best Actor category, hindi imposible na parehong magkaroon ng nominasyon sina Dennis at JC.
Nabigyan ni JC ng justice ang role niya roon, na bagay na bagay rin sana kay Dennis.
Si JC ang itinuturing na "one great love" mula sa nakaraan ng karakter ni Kim, na biglang magbabalik muli sa buhay nito.
Si Dennis naman ang "best friend" ni Kim, na aasa at susubok ding manligaw sa dalaga sa pelikula.
Tiyak na magmamarka sa mga manonood ng One Great Love ang “Bes,” ang term of endearment ng karakter ni Dennis kay Zyra, ang pangalan ni Kim sa kanilang pelikula.