Ipinasa ngayong Pasko, December 25, ng National Legislative Assembly ng Thailand ang narcotics law na nagsasabing legal na ang production, import, export, at paggamit ng cannabis products para sa "medical purposes."
Coincidence naman na isa sa mga tanong kay Catriona Gray sa 67th Miss Universe ay tungkol sa legalization ng medical marijuana.

Isang linggo matapos siyang hiranging Miss Universe 2018 sa Bangkok, Thailand, lumabas ang balitang aprubado na sa Thailand ang paggamit ng medical marijuana.
Ayon sa ulat ng www.bangkokpost.com, maaari nang magdala ang mga consumer ng "specified amount" ng marijuana na kailangan para magamot ang kanilang karamdaman.
Basta may hawak silang reseta o prescription mula sa mga doktor, dentist, at professionals sa larangan ng Thai traditional at alternative medicine.
Kinakailangan din daw na may permiso pa rin ito mula sa narcotics control committee.
Umani ng mga papuri si Catriona dahil sa kanyang matalino at maagap na sagot tungkol sa legalization ng medical marijuana sa question and answer segment ng Miss Universe 2018.
Aniya,"I am for it being used for medical use, but not so for recreational use because I think if people will argue, then what about alcohol and cigarettes? Everything is good but in moderation.”
Ang sagot ni Catriona ay ikinatuwa ng ilang mga mambabatas sa Pilipinas, na nagsusulong sa House Bill 6517, o ang Act Providing Filipinos Right of Access to Medical Marijuana.
Habang sina Rafael Rosell, Tom Rodriguez, at Dennis Trillo ang ilan naman sa showbiz personalities na pabor din sa legalization sa Pilipinas ng medical marijuana.