Tulad ng viral video ng Ateneo de Manila Junior High School student na nahuling nambugbog ng kaklase, viral na rin ang video ng batang lalaki na diumano'y biktima ng pang-aabuso ng kanyang ama.
Ang ama ay isang tricycle driver, at naganap ang sinasabing pang-aabuso noong December 24, sa Pooc, Sta. Rosa, Laguna.

Kung ikukumpara sa "bugbog o dignidad" video ng high-school bully, mas matindi ang pagpapahirap na ginawa sa bata.
Makikitang ibinitin ang bata nang patiwarik, sa pamamagitan ng posas na isinabit sa iron grills ng bintana, at paulit-ulit na sinampal ang bata ng tatay niya.
Ang bata ang diumano'y ginantihan ng walang-pusong ama dahil ayaw magpakita sa kanya ng asawa niya.
Kasumpa-sumpa ang eksena, kaya inaasahan namin na headline na ito ngayong gabi ng mga television news program.
Naiulat na nailigtas na ang bata at nasa pangangalaga na ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pero sinasabing hinahanap pa ang akusado, na kinokondena ng netizens dahil sa hindi makataong trato niya sa kanyang anak.
Isang concerned netizen na nagngangalang Myraflor Flores Basbas ang nag-upload sa Facebook ng disturbing video ng inabusong bata.
Pero kapansin-pansing hindi pa ito tini-take down ng Facebook sa kabila ng maselang content nito.
Ang ginawa ng Facebook ay naglagay ito ng babala bago mapanood ang naturang video.
Paliwanag ng Facebook, "We haven’t removed it from Facebook because it may help rescue the child in question. To learn more about what you can do to help or find support, please visit the Help Center."
Nangyari nga, malaking tulong ang non-removal ng video dahil lumakas ang panawagang tulungan ang bata, at hanapin ang nagtatagong tatay nito para panagutan ang pang-aabuso sa menor de edad.
Isa ito sa mga pagkakataong nagamit sa kabutihan ang social media, dahil may mga biktima ng pang-aabusong nabigyan ng tulong ng concerned netizens.
Samantala, sa kasamaang palad ay nagagamit pa rin ang social media sa pagpapalaganap ng fake news.
At matibay na ebidensya ang reviews ng mga pelikulang kasali sa 44th Metro Manila Film Festival.
Nababasa namin ang abot-langit na mga papuri ng netizens sa mga film fest entry na pinanood nila, pero sila rin ang sumisira sa sariling kredibilidad dahil ang pagiging fan ang pinaiiral nila sa paglatag ng reviews.
Dahil sa social media, may pagkakataong maging film critic at reviewers ang sinumang netizen, pero fake news ang iba dahil hindi totoong maganda ang mga pelikulang pinanood nila.