Ang Gabi ng Parangal ng 44th Metro Manila Film Festival (MMFF), na ginanap sa The Theater at Solaire, sa Parañaque City, kagabi, December 27, ang huling showbiz commitment ni Anne Curtis para sa 2018.
Ito ay sa kadahilanang lumipad siya ngayon sa South Korea para sa delayed Christmas vacation nila ng kanyang asawang si Erwan Heussaff.

Idineklara ni Anne na officially on vacation na siya matapos maging abala sa promo ng Aurora, ang horror movie na pinagbibidahan niya at official entry ng Viva Films sa MMFF.
Hindi man pinalad si Anne na manalo na best actress, nagwagi naman siya bilang Female Lucky Star of the Night.
Masaya rin si Anne dahil sa mga award na napanalunan ng Aurora—ang second best picture, best cinematography, best sound design, best visual effects, at best child performer para kay Phoebe Villamor, na gumanap na kapatid ng actress-TV host sa pelikula.
Itinuturing ni Anne na isa sa pinakamalaking recognition na kanyang natanggap ang pagbati mula sa kanyang Viva family dahil sa pagkakaroon niya ng blockbuster year.
Ang box-office success ng Sid & Aya: Not a Love Story, BuyBust, at Aurora at ilan sa achievements ni Anne sa taong ito.
Idagdag na rin ang AnneKulit, ang successful 21st anniversary concert niya sa Smart Araneta Coliseum noong August 18, 2018.
Samantala, plano ng direktor na si Yam Laranas na magkaroon ng international release ang Aurora.
Sinubukan ng Cabinet Files na hingan ng statement si Yam tungkol sa second-best picture award ng Aurora pero hindi pa siya makontak, as of presstime.