May mga nagtataka sa mga tumangkilik ng mga pelikula na kalahok sa 44th Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil napansin nila na may English subtitles ang karamihan sa kanilang mga pinanood.
Isang kaibigan namin ang nagtanong tungkol sa pagkakaroon ng English subtitles ng Aurora at Jack Em Popoy: The Puliscredibles.

Ipinaliwanag namin na may English subtitles ang nabanggit na film fest entries dahil ipinapalabas ito sa mga sinehan sa ibang bansa.
Sigurado na ang mga international screening sa Middle East, Europe, at USA ng Aurora, Jack Em Popoy: The Puliscredibles, at Fantastica pero ang horror movie na idinirek ni Yam Laranas ang pinakamaraming sinehan na pagtatanghalan at press time.
Ito ang katuparan ng hiling ni Yam na gusto nitong magkaroon ng international release ang Aurora na pinagbibidahan ni Anne Curtis.
Nagsimula ngayong Huwebes, January 3, ang screening ng Aurora sa mga sinehan sa United Arab Emirates, Qatar, Bahrain, at Kuwait.
Nakatakda naman sa January 18 ang screening nito sa U.S.
Ang international screening ng Jack Em Popoy sa Austria at Norway ay nagsimula noong December 30, samantalang palabas na rin sa mga sinehan sa U.S., Milan, Rome, at Barcelona ang Fantastica na siyang top-grosser ng 44th MMFF.
Malaking tulong sa box-office gross ng mga pelikula ang mga international screening kaya tinanong namin ang MMFF spokesperson na si Noel Ferrer kung counted sa total box-office gross ng December film festival ang kinita sa mga sinehan sa iba’t-ibang mga bansa.
"Technically, hindi," ang sagot ni Noel dahil ang box-office gross lang sa cinemas nationwide ang kasali sa kuwenta ng mga organizer ng MMFF.
Sa MMFF 2015 Special Report ng PEP.ph, nakadetalye kung paano kino-compute ang nakukuhang proceeds ng tangganapan ng MMFF mula sa box-office gross ng official entries.
Nakasaad dito na ang amusement tax na nire-remit sa MMFF Execom ay 10 percent lang ng total box-office receipts sa Metro Manila theaters tuwing MMFF period.
Ibig sabihin, hindi rin kasali sa MMFF proceeds ang amusement tax mula sa kita ng film entries mula sa provincial theaters.