Sa pagpasok ng 2019, naglipana ang mga manghuhula na may mga kanya-kanyang predictions tungkol sa mga mangyayari sa bansa natin at sa buhay ng mga personalidad na kilala sa mundo ng showbiz at pulitika.
Sa ngalan ng katuwaan, pinapatulan pa rin ng mga host at staff ng mga television show ang mga manghuhula.
Ito ay kahit na nakakasira sa kredibilidad ng kanilang programa ang mga hula na hindi na kailangang hulaan dahil taun-taon namang nagaganap sa Pilipinas tulad ng prediksiyon na maraming bagyo at lindol na mararanasan ang mga Pilipino.

Halimbawa na lang ay yung sinabi ng isang manghuhula tungkol sa mga bagyo, matapos ilabas ng PAGASA ang pangalan ng 25 tropical cyclones na inaasahang tatama sa ating bansa. Dalawang magkasunod na bagyo ay sina Egay at Falcon, na hindi pa ginawang Ejay at Falcon para ma-amuse naman ag aktor na si Ejay Falcon.
Nakakabanas ang hula na isang magandang aktres ang pipiliin na magpahinga muna sa showbiz para tutukan ang pag-aalaga sa isisilang niya na second child nila ng kanyang asawang aktor.
Obvious na si Marian Rivera ang tinutukoy na aktres sa nakapababaw na hula, at public knowledge na talagang magbabakasyon siya sa showbiz para alagaan ang bata na isisilang, tulad ng kanyang ginawa nang ipanganak niya si Zia noong November 23, 2015.
Idinaan rin sa blind item ang hula tungkol sa aktres na magbubuntis bago matapos ang 2019. Malinaw na si Heart Evangelista ang tinutukoy sa hula dahil alam ng lahat na talagang pangarap niya na mabuntis kaya mangyayari talaga ito kung gugustuhin niya.
Hindi rin convincing ang hula na tataas sa 2019 ang bilang ng HIV cases sa Pilipinas dahil hindi nagkukulang ang Department of Health sa paglalabas ng report tungkol sa increasing numbers ng kaso ng HIV.
Passe na passe na rin ang mga imbentong hula na may mga veteran star na papanaw dahil normal lang na mamaalam sa mundo ang mga artista na matatanda at sakitin na.
Sasaludo kami sa mga manghuhula kung mahuhulaan nila ang mga eksaktong petsa na magkakatotoo ang kanilang mga prediction na walang ipinagkaiba sa mga hula nila noong nakaraang taon.
Kahit sino, puwedeng manghula base sa mga nakikita at nararanasan natin sa araw-araw na pare-pareho lang ang mga kuwento at iba-iba lang ang mga sangkot na tao.
Huhulaan namin na magpapatuloy ang kawalan ng disiplina ng mga Pilipino kaya magiging marumi uli ang Luneta Park sa December 25, 2019, maliban na lang kung muling babarikadahan ng park authorities ang parke gaya ng ginawa nila noong Bagong Taon.
Magpapatuloy si President Rodrigo Duterte sa paghabi ng mga kuwento tulad ng pagmomolestiya niya raw sa isang kasambahay na ikagagalit ng kanyang detractors, at kapag pikon na pikon na sila, sasabihin ng pangulo na "joke only."
Magkakaroon ng panawagan na ibalik ang Celebrity Bluff ng GMA-7 pero hindi mangyayari ang clamor na imbitahan si President Duterte para maging Master Bluffer ng game show ng GMA-7 dahil sa kanyang very busy schedule.
Malaki ang tsansa ni Bong Revilla Jr. na muling mahalal na senador sa eleksiyon sa 2019, at mananalo siya sa mga probinsya dahil nakikisimpatiya sa kanya ang mga kababayan natin na action hero ang tingin sa aktor, na pampelikula rin ang kuwento ng buhay.
Magrereklamo na mga biktima ng pandaraya ang mga showbiz personality na matatalo sa midterm elections dahil sa kanilang ilusyon na mga sikat sila kaya imposibleng matalo sila.
Lalong lalawak ang gap ng magkapatid na Jinggoy Estrada at JV Ejercito dahil sa pulitika.
Gagawa uli ng mga pelikula para sa 45th Metro Manila Film Festival sina Vice Ganda, Coco Martin, at Vic Sotto dahil garantisado na kumikita sa takilya ang mga projects nila.
Lulutang ang mga video scandal ng mga male celebrity na hindi na natutoto mula sa karanasan ng kanilang mga kapwa aktor na mas pinairal ang lust.
Lilitaw ang katotohanan at ang mga kuwento tungkol sa "double-life" ng aktres na nahihirapan nang magpanggap na babae, pero walang choice kundi ang magpakababae alang-alang sa showbiz career niya.
Aaminin na ng isang aktor na matagal na silang hiwalay ng karelasyon na aktres dahil may sangkot na third party.
Magpapatuloy ang pagpapalabas ng mga teleserye na may predictable na mga kuwento—ang magkapatid na nagkahiwalay dahil nag-agawan sa isang lalake o babae, mga anak na nagkapalit, mga anak na ipinaampon at gumanda ang buhay, mga mahihirap na biktima ng bonggang-bonggang pang-aapi kaya naghiganti, mga kabit na matatapang pa sa tunay na asawa, at mga television show na drama nang mag-umpisa pero naging action series habang papalapit ang pagwawakas.
Gagamitin ng mga artista ang kanilang mga social media account sa paggawa ng mga gimik para mapag-usapan at maramdaman nilang relevant pa rin sila sa showbiz, kahit wala nang ningning ang kanilang mga bituin, dahil sa paniniwala nila na "more bashers, more publicity because publicity, good or bad, is still publicity."