Balik-Pilipinas na si Vice Ganda pagkatapos ng kanyang Christmas and New Year vacation sa Europe.
Ngayong gabi, January 7, kasama niyang nanood ng Fantastica sa SM North Cinema ang mga miyembro ng Hashtags.

Ang Fantastica ang top-grosser sa 44th Metro Manila Film Festival (MMFF) at ika-pitong pelikula ni Vice na kasali sa December filmfest.
Nag-umpisa ang pagsali ng mga pelikula ni Vice sa MMFF noong 2012.
Hanggang ngayon, ang mga movie project niya ang top-grosser—mula sa Sisterakas (2012), Girl, Boy, Bakla, Tomboy (2013), The Amazing Praybeyt Benjamin (2014), Beauty and the Bestie (2015), at Gandarrapiddo: The Revenger Squad noong 2017.
Nang bumalik sa It’s Showtime si Vice ngayong araw, ang hindi niya pagpasa sa audition na sinalihan ang kanyang ikinuwento sa isang contestant ng "Tawag ng Tanghalan."
Ipinagtapat ni Vice na sumali siya sa auditions ng Zsa Zsa Zaturnnah noong 2006, pero hindi siya pinalad makapasa.
Ang Zsa Zsa Zaturnnah ang official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 32nd Metro Manila Film Festival noong 2006.
Mga bida ng pelikula sina Zsa Zsa Padilla at Rustom Padilla, na BB Gandanghari na ngayon ang pangalan.
Ayon kay Vice, kabilang siya sa mga sumali sa auditions na ipinatawag ng Regal na sinalihan din ng lahat ng mga stand-up comedian sa buong Pilipinas.
Unluckily, hindi siya napili dahil napunta ang role ni Didi sa kanyang kapwa stand-up comedian noon na si Chokoleit.
Nang balikan ni Vice ang nakaraan, nagkaroon siya ng realization na hindi siya nakasali sa cast ng Zsa Zsa Zaturnnah dahil may ibang inilalaan ang Diyos para sa kanya—ang mga pelikula na mismong siya ang bida.
Sulit na sulit ang limang taon na ipinaghintay ni Vice dahil 2006 nang maging official entry sa MMFF ang Zsa Zsa Zaturnnah at pitong taon na ang pamamayagpag ng kanyang mga pelikula sa annual film festival.