Kaninang umaga, January 14, lamang dumating sa Pilipinas mula sa dalawang araw na pagbabakasyon sa Hong Kong ang It’s Showtime hosts na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Ryan Bang, Karylle, at Jhong Hilario.
Sa kanilang pagbabalik, may mga hindi makalilimutang karanasan si Vice na ibinahagi nito sa live episode ng kanilang noontime show sa ABS-CBN ngayong tanghali.
Ikinuwento ni Vice na kapag bumibiyahe ito, mahaba ang buhok na ginagamit niya at kuntodo make-up siya kaya ikinaloka ng TV host-comedian ang pagtawag sa kanya ng "Sir" ng flight attendant ng airline na sinakyan nila.
Ayon kay Vice, nagtanong siya sa flight attendant ng: "Anong bahagi ng katawan ko ang ka-sir-sir? Sabihin mo sa akin kung ano bang bahagi ng hitsura ko ang mukhang lalake para mabago ko?"
Sagot ng kausap niya: "Sorry po, sir!"
Nagkuwento rin si Vice tungkol sa amusing incident na naranasan niya habang nasa arrival area sila ng Ninoy Aquino International Airport.
"Hindi pa 'yan ang nangyari sa akin, nag-init talaga ang ulo ko.
"Mabuti naman, mabait yung flight attendant kaya okey naman. Napatawad ko na siya.
"Mabait yung flight attendant ng PAL.
"Lumabas na ako [ng airport]. Ang daming tao, siguro alam nila ang flight namin, ang daming nag-aabang.
"'Vice Ganda! Vice Ganda!' Nagba-vlog ako. Meron akong camera, sinusundan ako.
"'Oh, welcome back to the Philippines. Oh, my God, the Philippines is so hot,' umaarte-arte ako.
"'Oh my God, thank you Philippines for inviting me again in your country [bilang Mariah Carey ang peg niya].'
"Tapos yung mga nagtatrabaho sa airport, di ba, yung mga nagtatrabaho, nag-a-assist sila ng mga pasahero.
"Sabi sa akin nung isa, ‘Vice! Vice! Wheelchair?’
"Pinapahiram ako ng wheelchair! Ano ako, senior citizen?? Inalok ako ng wheelchair!
"Mukha na ba akong mahina? Uugod-ugod, may karamdaman, nangangailangan ng medical na tulong?" amused na amused na reaksiyon ni Vice tungkol sa kanyang airport experience.