Hindi makakalimutan ni Willie Revillame ang karanasan niya sa isang Mangyan na nagpaluha sa kanya dahil sa ipinamalas na katapatan.
Nangyari ang insidente noong Linggo nang bisitahin niya ang kanyang newly-acquired property—ang white sand beach resort sa Puerto Galera.

Mga Mangyan ang mga nag-aayos ng buhangin sa beach resort at naglilinis sa kagubatan ng beach resort ni Willie.
Umamin na nakaapekto sa kanya ang kagandahang-asal ng manggagawa na Mangyan.
"Ang mga kausap ko, mga Mangyan. Sila ang nag-aayos ng buhangin.
"Nagpabili ako ng labinlimang litsong manok para masarap. 'Kain kayo...'
"Nakakaawa sila dahil mga no read, no write. Sinabi ng tao ko, ‘Sir, yun pong naka-orange T-shirt, nagsoli ng P1,200 kasi raw, sobra yung bayad sa kanya. Apat na araw lang ang ipinasok niya.’
"Naluha ako. Sabi ko, 'Halika, bakit mo isinoli yung P1,200?'
"'Mali po kasi apat na araw lang po akong pumasok,' sagot niya.
"Na-touch ako. Tinanong ko, 'Ano ang pangalan mo?'
"'Nong lang, Nong.'
"Binigyan ko siya ng isang libo.
"Sabi ko, 'Bibigyan kita ng cellphone, bibigyan kita ng jacket, bibigyan pa kita ng bonus,'" kuwento ni Willie.
"Yung mga Mangyan, sila ang naglilinis ng mga gubat. Naluluha ako nang paalis na siya," dagdag ni Willie, na hindi makalimutan ang katapatan na ipinakita ng trabahador niya.
Mula sa Puerto Galera, sakay ng kanyang private helicopter, lumipad si Willie sa kanyang world-class hotel sa Tagaytay City para magdilig ng halaman dahil ito ang therapy niya.

"Hindi na ako nagmamaneho ng sasakyan. Sobrang trapik na kasi.
"Iba na, e. Yun na ang buhay ko,” ani Willie.
Ibinahagi rin ng TV host ang sikreto ng kanyang tagumpay.
"Basta maging mabuting tao ka lang. Yun lang. Maging mabuti ka.
"Ano ang pagiging mabuti? Huwag kang magdamot sa kapwa. Ako, yun ang tingin ko," pahayag ni Willie.