Ang Born Beautiful ang nag-iisang local movie na mapapanood sa mga sinehan simula sa January 23, 2019, kaya hindi nawawala ang pag-asa ng mga producer na mula sa R-18 classification, mapagbibigyan ng MTRCB ang kanilang apela na R-16 para sa entertaining and daring launching movie ni Martin del Rosario na nagkaroon ng uncensored special screening kagabi, January 18, sa Cine Adarna ng UP Diliman, Quezon City.
SRO ang UP Cine Adarna dahil sa dami ng mga nanood sa Born Beautiful na matino ang pagkakagawa kaya nakapagtataka na hindi ito nakapasa sa panlasa ng Selection Committee ng 44th edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) noong December 2018.
Hindi nagkamali sina Jun Lana at Perci Intalan sa pagpili kay Martin bilang replacement ni Christian Bables dahil nagampanan niya nang maayos ang karakter ni Barbs.
Habang pinapanood namin ang Born Beautiful, ang karakter ni Barbs at hindi si Martin ang aming nakita.
Magandang-maganda si Martin na malaki ang pagkakahawig kay Dawn Zulueta sa mga eksena niya.

Kung napanood ng publiko ang Ma’ Rosa, ang pelikula na nagbigay kay Jaclyn Jose ng Best Actress award sa Cannes Film Festival noong 2016, mahuhulaan nila na spoof ang eksena sa Born Beautiful na kumakain si Martin ng fishball habang nagpapakita ng iba’t iba at halu-halong emosyon.
Umalingawngaw sa loob ng UP Cine Adarna ang malakas na tawanan at palakpakan dahil sa mga eksena ng Born Beautiful.
Mabentang-mabenta sa audience ang funny scenes and dialogues nina Martin, Lou Veloso, ng mga baguhang aktor na gumanap na gay friends ni Barbs at ni Paolo Ballesteros na may special participation sa pelikula.
Muling pinatunayan ni Paolo na siya ang King of Make Up Transformation ng Pilipinas dahil mahirap nang mahigitan ang pagkopya niya sa mukha ng isang imahe ni Blessed Virgin Mary na pinalakpakan ng audience.
Bulgar at brutal ang mga salitang pinakawalan ng mga karakter ng Born Beautiful na isang dahilan kaya naligwak ito sa MMFF.
Pero sinasabi at nangyayari talaga sa tunay na buhay ang mga eksena ng pelikula na tiyak na hindi katanggap-tanggap para sa mga mapagpanggap at ipokritong moralista.